PINAGTIBAY ng Court of Appeals (CA) ang pagsasampa ng kasong multiple murder laban sa isa pang miyembro ng pamilya Ampatuan hinggil sa karumal-dumal na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009 na ikinamatay ng 58 katao kabilang ang higit 30 kasapi ng media.
Batay sa 12 pahinang desisyon na may petsang Setyembye 10, 2013 na isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, ibinasura ng CA Special First Division ang petition for certiorari na inihain ni Sajid Islam Ampatuan na kumukwestiyon sa resolusyon ng DoJ na nagsasabing may probable cause para sampahan siya ng kaso at ang iba pang respondent ng kasong multiple murder.
Kinukwestyon ni Sajid ang mga resolusyon ng DoJ na may petsang Hunyo 17, 2011 at Enero 25, 2013.
Napag-alaman na si Sajid ay anak ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr., na una nang nabasahan ng sakdal noong Agosto 7, 2013.
Giit ng CA, nabigo si Sajid na patunayan na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa panig ng DoJ nang ibasura nito ang inihain niyang petition for review at motion for reconsideration.
Hindi rin binigyan ng CA ng bigat ang alibi ni Sajid na nagsabing siya ay nasa Shariff Saydona Mustafa noong hinarang ang convoy ng mga biktima sa Brgy. Salman, Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao.
(LEONARD BASILIO)