P314-M SHABU NASABAT NG NBI. Iprinesenta sa media nina NBI Deputy Director Ruel Lasala at NBI Deputy Director Reynaldo Esmeralda ang 62 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P314 milyon na nakompiska mula sa tatlong Chinese nationals na sina Ong Tsen Siong alyas Jackie Lopez Sun, William Uy, Lee Chuan Chiat, at Sy Tian Kok sa pagsalakay ng mga awtoridad sa #704 ,7th floor ng Cathay Mansion sa Mayhaligue St., Tondo, Maynila. (BONG SON)
UMABOT sa P314-milyon halaga ng shabu ang nakompiska ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa naarestong tatlong Chinese national sa isang shabu laboratory sa Tondo, Maynila.
Iprinisinta kahapon ang mga suspek na sina Ong Tsen Siong alyas Jackie Lopez Sun at William Uy, Lee Chuan Chiat at Sy Tian Kok.
Ayon kay Deputy Director Ruel Lasala, isang buwan nang isinailalim sa surveillance ang shabu drying station cum warehouse sa condominium unit na matatagpuan sa 704 7th floor ng Cathay Mansion, Mayhaligue St., Tondo, Maynila.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI hinggil sa mga ilegal na aktibidad ng mga suspek sa lugar kaya nang makompirmang positibo ay agad na nag-apply ng search warrant ang ahensya.
Ang pagkakadiskubre sa shabu dryimg station sa Mayhaligue St. ay bagong modus operandi sa pagdadala ng shabu sa bansa mula sa China kung saan inilalagay ito sa aluminum foil tea bags.
Naniniwala ang NBI na ang mga shabu sa aluminum tea bags ay dinala sa bansa sa pamamagitan ng shipment at idineklara itong Chinese tea commodities o Chinese medicine.
Nakikipag-ugnayan naman ang NBI sa Bureau of Customs (BoC) upang malaman kung sino ang nasa likod ng shipment at ang consignee nito.
(LEONARD BASILIO)