MULING nagkaaberya ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 makaraang masira ang kable na nagsusuplay ng koryente sa mga tren sa bahagi ng R. Papa Station sa Maynila kahapon ng umaga.
Ayon kay LRTA spokesman Atty. Hernando Cabrera, dakong 10:00 ng umaga nang mag-umpisa ang aberya at nagkaroon ng “tripping” ng “catenary line” sa pagitan ng R. Papa at Abad Santos.
Sinabi ni Cabrera, ang “catenary line” ang nakasabit na kable na konektado sa mga tren na nagsusuplay ng koryente para tumakbo ang LRT.
Agad nagsuspinde ang operasyon ng LRT mula Roosevelt Station hanggang Blumentritt Station dakong 10:15 ng umaga.
Lumala pa ito makaraang umabot mula Roosevelt hanggang Central Station ang pagkahinto ng operasyon.
Dahil dito, libo-libong pasahero na regular na sumakasay sa LRT ang nagsiksikan, nagkatulakan at nagkapikonan sa mga pila sa mga estasyon na umabot ng lagpas 300 metro.
Dakong 1:30 na ng hapon nang matapos ang pagkukumpuni sa “catenary cable” at maibalik sa normal ang operasyon ng LRT 1.
Nauna rito, inamin ni Cabrera na nasa 26 tren lamang ang umaandar sa Line 1 dahil may mga problema ang ibang mga tren kaya naging mabagal ang pagdating sa mga estasyon.
(JAJA GARCIA)