DUMULOG sa himpilan ng pulisya ang isang art director kaugnay ng pagkawala ng kanyang gamit sa loob ng kanyang kotse nang umatake ang “basag-kotse gang” kahapon sa Pasig City.
Kinilala ni P/chief Insp. Glenn Magsino, hepe ng Criminal Investigation Section (CIS) ng Pasig City Police ang biktimang si Jose Maria David, 26 anyos, residente ng Unit 2609 City Land, Vito Cruz Tower I, 720 P. Ocampo Ave., Malate, Maynila.
Natangay sa loob ng sasakyan ang Lenovo Laptop, P50,000; Adidas rubber shoes; laptop bag; office notebook at P6,000 cash.
Sa ulat, dakong alas-9:00 ng umaga kahapon nang iparada niya ang kanyang Chevrolet Cruze, may plakang USO-242 sa Metro Parking Area, sa Ortigas Center, Pasig City.
Ayon sa biktima, pagka-park ng kanyang sasakyan, nagtungo siya sa Corinthian Executive Building na di kalayuan sa parking area.
Laking gulat na lamang ng biktima nang balikan niya ang sasakyan na basag na ang salamin sa passenger seat at nawawala ang nasabing mga gamit at ang mga papeles nito.
Hindi ito ang unang insidente ng basag-kotse sa nasabing lugar na tila mahina ang seguridad sa panig ng pulisya lalo na sa Ortigas center na sentro ng kalakalan.
(MIKKO BAYLON)