Friday , November 22 2024

Lawmakers kasama sa 10 kakasuhan ng Plunder — De Lima

090813_FRONT
Umaabot sa 10 katao ang nakatakdang sampahan ng kasong plunder sa susunod na linggo kaugnay ng kontrobersyal na P10-billion pork barrel scam na itinurong utak si Janet Lim-Napoles kasabwat ang halos 28 mambabatas.

Ani Justice Secretary Leila de Lima, agad niyang iaanunsiyo ang mga mambabatas na dawit sa pork barrel scam sakaling pormal nang maisampa ang kaso sa Office of the Ombudsman.

Aniya, tiyak na ang kasong plunder laban kay Napoles kasama ng iba pang mga mambabatas na walang inirekomendang piyansa.

Una nang inihayag ni Atty. Levito Baligod, abogado ng whistleblowers, dalawa mula sa 10 ay nagmula sa National Agribusiness Corp. (NABCOR) na sinasabing nakatanggap ng milyong komisyon mula kay Napoles.

Kompleto na rin umano ang listahan ng mga mambabatas na sasampahan ng kaso para sa unang batch ng mga dawit sa anomalya.

USAD-PAGONG SA P10-B PORK BARREL PROBE INAMIN NG PALASYO

HINDI magagarantiyahan ng Malakanyang na hindi mag-uusad pagong ang mga kasong isasampa hinggil sa P10-B pork barrel scam.

Paliwanag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi maipapangako ng Ehekutibo na may mahahatulan na sangkot sa usaping ito dahil kasama rin sa proseso ang Hudikatura.

“Whether or not this will drag on is a question the executive cannot answer for itself dahil hindi lang executive ang involved dito. The judiciary is likewise there,” ani Valte.

Kahit pa aniya, nais ni Pangulong Benigno Aquino III na bago matapos ang kanyang termino sa 2016 ay may maparusahang nagkasala, wala naman sa kanya ang kapangyarihan na magbaba ng hatol o mag-absuwelto sa mga makakasuhan kaugnay sa pagwawaldas ng pera ng bayan.

“As the president said, sana within his term magkaroon ng kaso laban sa mga taong ‘yan, and conviction. Ang conviction wala sa atin ‘yan, wala sa executive ang kapangyarihan para mag-acquit or mag-convict,” paliwanag niya.

“Ang dulo lang po naman ng lahat ng ito ay dapat mapanagot ‘yung mga nagkasala po doon sa bayan. It’s very simple. And to get to that, we have to be assured that the cases will go—the cases that will be filed are based on solid evidence at hindi po… Wala ho itong kinilingan, wala ho itong tiningnan. Basta kung ano lang ho ‘yung talagang atas no’ng ebidensiya. Eventually, that is the goal of all of this. Di ba, ‘yung accountability lang naman ‘yung hinahabol natin dito,” aniya.

(ROSE NOVENARIO)

2 MEDIA OPERATOR MAY P30-K PAYOLA KAY NAPOLES

Isiniwalat ng kampo ng whistleblowers sa pork barrel scam na may ilang media personalities ang nakinabang kay Janet Lim-Napoles.

Sinabi ni Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower, na base ito sa accounting record ng isa sa mga lumutang kontra kay Napoles na si Benhur Luy.

“Mayroon pong regular siyang binibigyan (ng payroll). If I remember mag-partner sa media, parang may nabibigay na P30,000 buwan-buwan, parang retainer,” ani Baligod.

Naganap aniya ang pag-aabot bago pa lumabas ang isyu sa pork barrel scam.

Laman ng naturang accounting record ni Luy ang lahat ng naging transaksyon ni Napoles, cash man o banko mula 2004 hanggang 2010.

Ang “nagsabwatang dalawang media operator” aniya ang nanguna sa paninira sa kanila ni Luy bilang mga drug addict, bakla, at nangingikil.

Ani Baligod, sa tamang panahon, ilalabas nila ang pangalan ng lahat ng nabigyan ni Napoles kabilang ang mga taga-media.

Binanggit din ang isang pari ang tumatanggap ng P150,000 stipend kada buwan mula kay Napoles.

‘KOMISYON-ER’ SA SENADOR HAWAK NG NBI

TINIYAK ng kampo ni Benjur Luy na hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga whistleblower na may alam at direktang nagbibigay mismo ng komisyon sa ilang mga senador kaugnay ng kontrobersyal na pork barrel scam.

Ayon kay Atty. Levito Baligod, isa sa mga abogado ng mga whistleblower, kabilang sa mahigit 20 testigo ng NBI ay tagabigay ng komisyon sa ilang mga senador mula sa kanilang pork barrel funds.

Ayon kay Baligod, isa sa mga testigong hawak nila ay ang staff ni Janet Lim-Napoles na nagbibigay ng komisyon sa mismong staff ni Sen. Bong Revilla.

Paliwanag pa ng abogado, malabo ang pahayag ni Revilla na pineke lamang ang kanyang pirma dahil pareho ang pirmang ginamit sa PDAF transaction mula pa taon 2004 hanggang sa pinakahuling transaksyon sa kanyang pork barrel.

Kaparehong staff din aniya ni Revilla ang palaging nasa kanyang opisina na kumukuha ng komisyon ng senador.

Kaugnay nito, may pagkakataon pa naman aniya na magpaliwanag ang senador at iba pang mga mambabatas na dawit upang idepensa ang kani-kanilang mga sarili.

NO TRIAL BY PUBLICITY VS BONG, JINGGOY, ENRILE

TINIYAK ng Malacañang sa mga nadidiing senador at iba pang personalidad sa pork barrel scam na dadaan sa due process ang imbestigasyon at base lamang sa ebidensya ang mga isasampang kaso.

Una nang umalma si Sen. Bong Revilla dahil aniya’y sa ‘trial by publicity’ habang iginigiit din ni Sen. Jinggoy Estrada ang pagbusisi rin sa ibang nadadawit na pekeng non-governmental organizations (NGOs) maliban kay Janet Lim-Napoles.

Sina Estrada, Revilla at Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile (JPE) ay pangunahing nadidiing mambabatas sa kontrobersya matapos mabulgar ang paglalagay ng pork barrel sa mga pekeng NGOs ni Napoles na kasalukuyang nakakulong.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, makaaasa sina Revilla at Estrada na magkakaroon ng paglilinaw sa oras na maisampa ang mga kaso at matapos ang imbestigasyon ng binuong Inter-Agency Anti-Graft Committee (IAAGC).

Ayon kay Valte, base sa CoA ang ginagawang imbestigasyon at mabibigyan ng pagkakataon ang mga sangkot para idepensa ang sarili nila.

Sakaling matuluyan sa kasong plunder, habambuhay na pagkakabilanggo bukod sa diskwalipikasyong makahawak pa ng posisyon sa gobyerno ang hatol sa mga mapatutunayan.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

PAGASA Amihan

Amihan na — PAGASA

IHANDA na ang inyong mga damit na panlamig gaya ng mga jacket, sweater, shawls, at …

Knife Blood

Sa Tondo, Maynila  
CHINESE NAT’L PATAY NANG PAGSASAKSAKIN SA LOOB NG SASAKYAN

NAKAPAGMANEHO pa para iligtas ang sarili ngunit binawian din ng buhay ang isang 46-anyos Chinese …

112024 Hataw Frontpage

Sa nilustay na pondo ng OVP sa loob ng 11 araw
P1-M PATONG SA ULO VS ‘MARY GRACE PIATTOS’
 Eksperto sa sulat-kamay kailangan

PLANO ng House panel na nag-iimbestiga sa sinabing hindi maayos na paggasta sa confidential funds …

DOST NSTW Cagayan de Oro City

DOST brings nat’l science, technology, and innovation week in Cagayan de Oro City

The Department of Science and Technology is set to hold the 2024 National Science, Technology, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *