TUTOL SI MARIO SA WELGA DAHIL MAHIRAP ANG MAWALAN NG TRABAHO KAYA’T UMUWI NA SIYA
Teng, teng, teng, teng-teng! Ang mataginting na tunog ng takip ng kalderong tinutuktok-tuktok.
Blag, blag, blag, blag-blag! ang lagapak ng lata ng tinapay na tinatambul-tambol.
Bog, bog, bog, bog-bog! ang kalabog ng konteyner ng tubig na kinakalabog-kalabog.
Unang araw ‘yun ng pag-aaklas ng mga manggawa laban sa manedsment ng pabrika.
Bitbit ang bag na lalagyan ng baunan at pamalit na damit pangtrabaho, pag-ibis sa sinakyang traysikel ay ‘yun na ang dinatnan niyang senaryo. Bigla siyang napaatras sa paghakbang. Itinuloy din pala ng kanilang unyon ang pag-aaklas, ang agad sumaisip niya.
Noong una pa man, tutol na si Mario sa plano ng kanilang unyon na mag-aklas. Hindi madaling makakita ng mapapasukan, natakot siyang mawalan ng hanapbuhay. Hindi siya nakisangkot sa mga isinagawang diskusyon at konsultasyon ng pamunuan ng unyon sa pagbubuo noon ng plano. At ngayon nga ay lalong ayaw niyang masangkot sa anumang pwedeng mangyaring hindi maganda, lalo’t alam niyang nasa panig ng maperang may-ari ng pabrika ang nagpapabalik-balik doon na sasakyan ng pulisya na nagpapatrulya.
Mabilis siyang tumalilis upang iwan ang mga ka-manggagawa sa piket-layn. Kinawayan niya ang nagdaraang traysikel. Magpapahatid siyang pabalik ng bahay. Uuwi na lang siya. Ipababatid niya sa asawang si Delia ang sitwasyon sa pinapasukang kompanya. (Itutuloy)
Rey Atalia