HABANG hinihintay ang pag-apruba ng Department of Finance (DoF) sa mungkahing balasahan sa mga district collectors, ipinag-utos ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa lahat ng customs deputy commissioners, district collectors at subport collectors na lumikha ng public assistance/complaints desk sa kanilang mga sangay.
Sa memorandum nitong Setyembre 3, ipinag-utos ni Biazon sa lahat ng Customs officials na magsumite sa loob ng 10 araw simula nang ilabas ang memo, ng mga pangalan ng mga nakatalagang public assistance point person, public assistance hotline numbers at email addresses ng kani-kanilang public assistance at complaints desks.
Ani Biazon, ang mga public assistance at complaints desk ang hahawak ng mga katanungan sa isasagawang proseso sa BoC, at maging ang mga reklamo laban sa mga opisyal ng Customs.
Mariing sinabi ni Biazon na ang lahat ng mga reklamo laban sa mga Customs officials/personnel na matatanggap ng public assistance at complaints desk ay kailangang ibigay sa Office of the Commissioner (OCOM) Public Assistance/Complaints Desk na pinangangasiwaan ni Atty. Jennifer A. Lagbas.
“I believe that opening up the Customs processes to the public and being sensitive to stakeholders’ needs and complaints against the BoC and its officials through the public assistance/complaints desk shall be a good start for real reforms in the BoC,” ani Biazon.
(LEONARD BASILIO)