NAGREREKLAMO ang mga kongresista sa budget hearing kaugnay ng pagtanggal ng kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa gitna ng mainit na usapin ng P10 billion pork barrel scam.
Sa budget hearing para sa DPWH, hindi naiwasang isingit ng ilang mambabatas ang kawalan nila ng PDAF para maisulong ang kanilang mga saloobin at makahirit ng proyekto.
Humiling ng proyekto si Deputy Speaker Sergio Apostol mula sa road users tax para sa kanyang distrito sa Leyte dahil wala na raw silang PDAF.
Nang sabihin ni Sec. Rogelio Singson na pwede namang mapaglaanan ng proyekto ang congressional districts ng hanggang P10-20 million, sinabi ni Apostol na masyadong maliit naman ang P10 million.
Maging si Davao Oriental Rep. Thelma Almario, vice chairman ng appropriations committee, ay hiniling sa DPWH na palagyan ng island ang isang kalye sa kanilang lugar.
Marami aniya kasi ang nagti-text sa kanya tuwing umaga na naaaksidente sa lansangan ngunit hindi niya matulungan dahil wala na siyang PDAF.