AMINADO ang Malacañang na kaya nagpapalabas ng bigas sa pamilihan ang National Food Authority (NFA) ay bunsod ng hindi mapigilang pagtataas ng presyo na ginagawa ng mga mapagsamantalang negosyante.
“There are reports of the increases in some. But minsan ho kasi hindi ho rin ‘yan…Meron ho talagang mga ibang katulad no’ng nabanggit natin kanina na hindi mo mapipigilang nagte-take advantage pero at least kaya nga ho nagpapalabas sila ‘nung NFA rice para meron hong magandang alternative naman iyong ating mga kababayan,” sabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.
Aniya, inaasahan naman ang pagtaas ng presyo ng bigas ng hanggang dalawang piso ngunit sa panahon ng pag-ani sa susunod na buwan ay babalik na sa normal ang halaga nito.
Pinaiimbestigahan na aniya, ng NFA sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagpapakalat ng pekeng text messages na nagsasabing mamimigay ng libreng bigas ang ahensya sa Commonwealth na naging sanhi ng pagdagsa ng mga tao sa nasabing lugar kamakalawa.
Ipinasisiyasat na rin ng NFA ang napaulat na rice hoarding na nagdudulot ng paglobo ng presyo ng bigas.
Sabi pa ni Valte, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na may sapat na supply ng bigas sa bansa.
(ROSE NOVENARIO)