MUKHANG sa lahat ng tauhan ni Pangulong Noynoy Aquino ay si Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa ang pinakatahimik sa kabila ng pagkakasangkot sa iba’t ibang kontrobersiya sa ngayon.
Una rito ay ang pagkakadawit ng kanyang isang tauhan na si Brian Yamsuan sa tinaguriang reyna ng pork barrel na si Janet Napoles.
Si Yamsuan na dating tauhan ni senador Tessie Aquino-Oreta, dating press secretary Dong Puno at dating secretary Ronnie Puno ng DILG ay nadawit dahil sa umano’y pagtulong kay Napoles sa media at sa iba pang transakyon na may kinalaman sa P10 bilyon pork barrel scam.
Pinakahuling kinasangkutan ni Ochoa na ibinulgar ni whistle-blower Jun Lozada ay ang midnight deal noong panahon ni Ate Glo na kinasasakutan ng bayaw niyang si Jerry Acuzar, may-ari ng New San Jose Builders.
Sa nasabing deal, sinabi ni Lozada, na malinaw sa utos ni PNoy na lahat ng midnight deal na isinagawa ni GMA ay binalewala na ng pamahalaan, ngunit sa kaso ng New San Jose Builders at Philforest ay lumabas na itinuloy ng gobyerno.
Ang nasabing midnight deal ay may kaugnayan sa 2000 ektaryang beach-front property na ipinarenta ng Philforest kay Acuzar na matatagpuan sa Busuanga, Palawan.
Malinaw rin sa nasabing midnight deal na ibinulgar ni Lozada na malaki ang nawala sa gobyerno dahil ang orihinal na upa ng New San Jose Builders kada ektaryang lupain ay P500 ngunit noong lumabas ang pinal na kontrata ay naging P100 na lamang kada ektarya.
Sa punto ni Lozada, lumalabas na namimili si Ochoa ng mga kakanselahing midnight deal ni GMA dahil
itinago niya sa publiko ang nasabing kontrata na sangkot ang kanyang bayaw na si Acuzar, isa sa biggest campaign contributor ni PNoy noong 2010 election.
‘Yan ngayon ang usapin dahil kung si NBI director Nonnatus Roxas ay tinablan sa sinabi ni PNoy na wala na siyang tiwala sa naturang ahensya kaya naghain ng irrevocable resignation ay mukhang ganyan na rin ang dapat gawin ni Ochoa dahil mukhang unti-unti na rin lumalabas ang kanyang pinaggagawa na talaga naman ikinagagalit ng taumbayan.
Alvin Feliciano