PINAGBIGYAN ng Makati City Regional Trial Court ang hirit ng negosyanteng si Janet Lim Napoles na maipagpaliban ang arraignment sa kasong serious illegal detention.
Sa ipinalabas na ruling, muling itinakda ng korte sa Setyembre 23, ganap na 1:30 p.m. ang pagbabasa ng sakdal sa sinasabing isa sa mga utak sa nabunyag na multi-billion pork barrel fund scam.
Maalala na unang itinakda ng korte ang arraignment sana sa Lunes, Setyembre 9.
Mariing itinangggi ng kampo ng negosyante na “delaying tactic” ang paghahain ng apela.
Una rito, sa 18-page urgent motion na inihain sa Makati RTC Branch 150, iginiit ni Napoles na mayroon pa silang nakabinbing mga mosyon sa sala ni Judge Elmo Alameda na dapat resolbahin ng hukom, kabilang ang inihain kamakalawa na motion for bills of particulars. Bukod dito, hindi pa rin nareresolba ng CA ang hiwalay na petition for certiorari na kumukwestyon sa legalidad ng inilabas na warrant of arrest ni Judge Alameda.
(JAJA GARCIA)