MULING inalerto ng Department of Health (DoH) ang publiko, partikular ang mga binaha ng habagat sa Metro Manila at mga kalapit na lugar.
Ito ay makaraang pumalo na sa pito ang naitalang namatay habang 33 ang nagpositibo sa leptospirosis sa isang pagamutan lamang.
Natukoy ang malaking bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa Philippine General Hospital (PGH).
Ayon kay UP Manila Dr. Kristin Luzentales, kapansin-pansin ang naging pagtaas ng mga biktima ng nasabing sakit, isang linggo matapos ang baha sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Kaugnay nito, ipina-alala ni PGH nephrologist Dr. Rey Tan ang mga sintomas ng leptospirosis, kabilang na ang pabalik-balik na lagnat, pananakit ng tiyan, ulo at kalamnan.
Ang naturang sakit ay nakukuha sa ihi ng daga na nasasama sa tubig baha at kumakapit sa mga lumulusong sa tubig, lalo na kung may mga sugat. (HNT)