Sunday , December 22 2024

Sana noon ka pa nagsalita, Ms. Lolit Solis!

00 Bulabugin

NO PERMANENT friends and enemies … only permanent interest.

Ganyan daw talaga sa showbiz and politics.

Hindi sa kinakatigan natin ang statement ni Presidential Spokesman, Secretary  Edwin Lacierda na, “We won’t dignify a statement coming from a showbiz personality.”

Pero mukhang wrong timing talaga ang UPAK ‘ala expose ni talent manager Lolit Solis.

Bakit ngayon lang nagsasalita si Lolit Solis tungkol sa mga napakinabangan ni PNoy o ni ES Jojo Ochoa kay P10-billion pork barrel scam queen Janet Lim Napoles?!

Dahil ba nabuking ang paboritong alaga niyang si Senator Bong ‘idol ko PDAF’ Revilla?!

At nagpahayag nama ng kapalpakan ang misis na si Rep. Lani Mercado na huwag na raw humingi ng tulong ang mga tao sa kanila kapag ini-abolish ang PORK BARREL?!

Bakit ang idinidiin niya ay sina PNoy at ES Ochoa?

Ang pinag-uusapan ngayon, ang pagnanakaw ni Napoles sa sambayanan?

Matanong kita Ms. Lolit Solis, hindi ka ba nakinabang kay Napoles gayon din ang iyong mga alaga?!

Ang ISYU, Manay Lolit, ang P10-billion pork barrel na dapat ay ginastos para sa kapakanan ng sambayanan pero kinurakot at ibinulsa ni NAPOLES.

O ‘eto lang po, ang source po natin ay first hand info.

Minsang nagkaroon ng okasyon sa 25th floor ng Discovery Suite sa Ortigas, take note po, ang buong 25th floor ay pag-aari ng mga Napoles … nang pumasok sila sa comfort room, nakasara ang kurtina ng bath tub at nang medyo hawiin nila ay nagulat talaga sila…natambad sa kanilang mga mata ang isang bath tub na punong-puno ng pera na nakabalot sa plastic.

Bukod do’n ay isinama sila ni Napoles sa isang malaking kwarto kung saan naka-display ang mga signature bags na ipinanreregalo niya sa kung sino-sino.

At hindi tayo naniniwala na hindi naambunan d’yan si Lolit Solis?

Sabi nga ng mga taga-showbiz, si Manay Lolit pa!

Manay Lolit, piece of unsolicited advice lang, kapag mali …mali talaga…huwag mong ipilit na ipinagtatanggol ang alaga mo.

Ang ipayo mo na lang sa kanila, humanap sila ng mahusay na abogado para idepensa ang sarili nila kapag nag-prosper ‘yang PLUNDER case laban kay Napoles at sa mga kasabwat niyang sena-TONG at TONG-gresman.

Huwag daldal nang daldal nang walang kawawaan. MAHIYA naman kayo sa SAMBAYANAN!

Sabi nga sa kanta ni Gary Granada … “Nanakawan na at naholdap si Juan, Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan

Nabaon sa utang ang bayan ni Juan, Ngunit ang nagnakaw pa ang pinararangalan …”

Kawawang  JUAN…

WHEN LOVE TURNS TO HATE (CLAUDINE & RAYMART LOVE STORY)

ANG PAG-IBIG nga naman, parang ASUKAL din ‘yan. Kapag UMOBER sa tamis ay biglang UMAASIM.

Mukhang ganyan daw ang nangyari kina Claudine Barretto at Raymart Santiago.

Pero napansin din talaga natin na ang 2013 ay hindi taon ng mga mag-asawang celebrity na talagang noong ikinasal ay bonggang-bongga at hinangaan.

Isa na nga ang mag-asawang Claudine & Raymart, gaya rin ng mag-asawang  Senator KOKO at beauty queen Jewel Lobaton.

Ang kanilang pagsasama ay nauwi sa isang maasim at mapait na wakas.

SAYANG!

Pero ang maipapayo lang natin sa kanila, for your children’s sake ‘wag kayong mag-eskandalo sa publiko. Maawa kayo sa mga anak ninyo.

Sana ganyan rin ang ipinapayo ni Atty. FERDIE TOPACIO sa kanyang paboritong kliyente ngayon.

Oo nga, mga public figure kayo, pero hindi rin ibig sabihin n’yan na kailangan ninyong iladlad sa publiko ang mga mababantot na bahagi ng buhay ninyo.

Relasyong pampamilya ang pinag-uusapan d’yan kaya, IRESPETO ninyo ang karapatan ng mga ANAK ninyo.

Wish lang natin na magwakas ang inyong mga relasyon bilang mag-asawa nang mapayapa para naman maging magkaibigan pa rin kayo, alang-alang sa inyong mga anak.

Hay pag-ibig …

PATONG SA ULO NI DELFIN LEE DAGDAGAN!

ISA sa magandang bagay na ginawa ni Pangulong Benigno S. Aquino sa kaso ni Janet Lim Napoles ay nang taasan niya ang PABUYA para sa makapagbibigay ng impormasyon kung saan nagtatago ang P10-billion pork barrel scam queen.

Sana ay ganoon din ang gawin ni PNoy sa kaso ng isa pang mandarambong na si DELFIN LEE, ang may-ari ng Globe Asiatique na nanggoyo at nagnakaw ng account ng Pag-IBIG members na ginamit nila sa pangungutang para magkamal nang malaking kwarta sa REAL ESTATE projects nila.

Hindi ba wala rin kapantay ang kawalanghiyaan ng grupo ni Delfin Lee na ginamit ang account ng mga manggagawa, empleyado at overseas Filipino workers (FWs) na Pag-IBIG members na hindi naman kumuha ng bahay sa kanila pero nagamit nila sa paglo-LOAN sa Pag-IBIG Funds?!

Sabi nga ni PNOY, saan KUMUHA ng KAPAL ng MUKHA si Delfin Lee?!

Ibalik po natin ang tanong sa Palasyo at kay VP Jojo Binay… saan po ba humihiram ng kapal ng mukha ang mga taga-Palasyo, bakit hinahayaan lang nilang pagala-gala at nakapamumuhay pa rin na parang hari ang isang gaya ni Delfin Lee?

ALAM na natin ang solusyon Mr. President!

Itaas ang patong sa kanilang mga ulo para magsilutang na sila, lalo na para sa ulo ni DELFIN LEE!

Ngayon na, PNOY!

HATAW PA RIN SA KOLEK-TONG SI ALYAS BOY GABIOGLA

BASURA raw ang utos ni Manila Mayor Erap Estrada na “NO TAKE POLICY” sa pobreng vendors sa Kamaynilaan dahil patuloy pa rin ang pamamayagpag ng kotong boys partikular sa MANILA-DPS at Hawkers division.

Patuloy rin tayong dinaragsa ng mga sumbong mula sa mga kawawang vendors na ang PUHUNAN ay kinuha pa sa 5/6 at dugo’t pawis dagil sa maghapong pagtitinda sa bangketa.

Base sa reklamo ng mga vendor TUMATA-GINTING na P1,500 kada linggo bawat isang vendor ang kolektong sa tulay ng Juan Luna St., at sa Juan Luna St., naman mismo ay P3k ang kinokolektong nina alyas ATENG at CHECHE.

Kung susumahin ay mahigit dalawang libo ang vendors sa kalye pa lamang na ‘yan kaya’t tiyak na jackpot sa GANANSYA ng TONG MONEY ang itinuturong utak ng KOLEK-TONG na si alyas BOY GABIOGLA.

Sonabagan!!!

Untouchable raw talaga ang kamoteng ‘yan dahil ipinagYAYABANG na may basbas ng kanyang amoyong ‘este’ amo ang nasabing Kolek-TONG activity!

Tanong tuloy ng pobreng vendors: Bakit ang sabi ni YORME ERAP ay para siya sa mahirap pero bakit ang mga tauhan n’ya ay pahirap sa mahihirap?

Mas matindi at garapal pa raw ang kotongan ngayon kaysa noong administrasyon ni Mayor Lim.

Bakit nga ba Yorme Erap!?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *