MULING naalarma ang Alab ng Mamamahayag (ALAM) matapos makatanggap ng mensaheng isa na namang miyembro ng media ang walang awang pinagbabaril hanggang mamatay ng isang riding in tandem sa Calapan, Oriental Mindoro.
Sa mensaheng ipinadala ni ALAM Mindoro chapter president Joe Leuterio kay ALAM Chairman Jerry Yap, dakong 4:00 pm kamakalawa, Seteyembre 4, nang mapatay si Vergel Bico, 40, sa Brgy. Pachaca, Calapan City, Oriental Mindoro.
Sinundan umano ng mga salarin si Bico mula Brgy. Balite hanggang Brgy. Pachaca.
Sakay rin si Bico ng kanyang motorsiklo at akmang bababa na sana nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasuot ng itim na jacket.
Ayon sa saksi, mismong ang lalaking nakasuot naman ng gray na t-shirt ang bumaril sa biktima.
Agad isinugod sa Maria Estrell Hospital si Bico pero idineklarang dead-on-arrival.
“Si Bico ang ika-20 miyembro ng media na pinatay sa ilalim ng pamumuno ni President Benigno Simeon Aquino III,” ani Yap. “Syempre, may susunod pa sa kanya. At siguradong hindi na naman mareresolba ang kasong ito. Nawawalan na kami ng pag-asa na matutupad pa ang pangako ni PNoy sa media. Mananatili pa rin ang Filipinas bilang ikatlong pinakadelikadong lugar sa mundo para pagtrabahuhan ng media.”
Idinagdag ni Yap na napaka ‘thankless’ ng gobyerno sa media men na palaging nalalagay ang isang paa sa hukay para lamang makapag-ulat ng balita.
“Wala nang benepisyo, maliit pa ang sweldo, at napapatay pa,” dagdag ni Yap.
Hindi rin umano maaasahan ang pangako ni Pnoy na pagtulong sa media, pangako ng Department of Justice (DOJ) at pangako ng Philippine National Police (PNP) na proteksyon at agarang pagresolba sa mga kasong pagpatay sa media.
“Kung harrassment at libel cases na ang nasa losing end ay media men, mabilis silang kumilos,” ani Yap. “Pero pag krimen against media men, hindi sila kumikilos. Maipasa man ang FOI Bill (Freedom of Information), wala rin mangyayari. Magpapatuloy pa rin ang mga pagpatay. Anak pa naman si PNoy ng isang media man. Sa kamay pala ng isang anak ng batikang war correspondent mababalewala ang kapakanan ng mga mamamahayag.”
Ang ama ni Aquino na si Benigno Aquino Jr. ay naging batikang war correspondent na nag-cover ng giyera sa Vietnam noong 15-anyos siya.