HANDANG ikonsidera ng kampo ni Benhur Luy ang hospital arrest kay Janet Lim-Napoles dahil sa iniindang karamdaman habang nakakulong sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ng mga whistleblower, maging ang kanilang kampo ay naka-tutok din sa medical condition ni Napoles kaya’t dapat lamang na isaalang-alang ang kondisyon ng itinuturong utak sa pork barrel scam, kung kinakailangan na ipa-ospital.
Kung maalala, sa unang araw ni Napoles sa detention cell ay nakaranas siya ng “anxiety attack.”
Ayon kay Baligod, papayag lamang ang kanilang kampo sa hospital arrest sa kondisyong sa V. Luna Hospital o Veterans Hospital lamang magpa-confine si Napoles.
Sakaling magpadala si Napoles sa mga pribadong ospital ay kanilang kokontrahin.
“Again, kung merong medical reasons po talaga na dapat manatili siya sa hospital ay dapat manatili siya doon sa V. Luna o kung hindi kaya sa Veterans Hospital. Okay lang po sa amin iyon,” ani Atty. Baligod.
(HNT)