OO masasabing daan-daang kabataan ang nailigtas sa tiyak na kapamahakan ng Quezon City Police District (QCPD) nitong nakaraang linggo. Hindi po pisikal na pagligtas ang tinutukoy natin dito kundi, dahil sa hakbangin ng QCPD District Anti- Illegal Drug batay na rin sa direktiba ni Chief Supt. Richard Albano.
Nailigtas sa tiyak na kapamahakan ang maaaring daan-daang bilang ng kabataan makaraang makakompiska ng high grade shabu na nagkakahalaga ng P30 milyon.
Nakuha ang limang kilong shabu sa dalawang naarestong bigtime drug dealer na kumikilos hindi lamang sa Quezon City kundi maaaring sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Ayon kay Albano, inaalam pa rin nila kung ang dalawa ay may koneksyon sa mga kinikilalang international drug dealers na nakatala sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Anyway, natuldukan ang operasyon ng dalawang hinihinalang drug dealer na sina Harold Wilford Padilla, 34, at Arnel Ignacio, 49, kapwa residente ng Luna 2 St., San Agustin Village, Malabon City makaraang masakote sila ng QCPD-DAID sa pamumuno ng hepe na si Sr. Insp. Roberto Razon, DAID-SOTG.
Ang dalawa ay nadakip nitong Agosto 31, 2013 dakong 6:30 pm makaraan ang halos isang buwan surveillance. Nang maging positibo ang pagmanman sa dalawa, agad ipinag-utos ni Albano sa tropa ni Razon na ikasa ang buy-bust operasyon na nagresulta nga sa pagkaaresto ng dalawa.
Naunang nadakip si Padilla matapos niyang bentahan ng isang kilong shabu na nagkakahalaga ng P1.5 million ang pulis ni Razon na nagpanggap na buyer sa Banaue St., QC. Nakuha din sa sasakyang ni Padilla na isang Nisaan Terrano (CMV 593) ang P1.5 million pang halaga ng shabu.
Samantala, hindi kalayuan ay nadakip naman si Ignacio makaraang makuhaan ng 4 kilong shabu sa kanyang sasakyang Mazda familia (UTN 234).
Ang limang kilong high grade shabu na nakompiska sa dalawa ay nagkakahalaga ng P30 million.
Ayos Heneral Albano, daan-daang o masasabi pang libo-libo ngang kabataan ang nailigtas n’yo sampu ng mga taga-DAIA, sa tiyak na kapamahakan. Mantakin niyo, kung sakaling nakalusot ang drogang ito, aba’y malamang na maraming mabubuang na kabataan na naman masisira ang kanilang kinabukasan.
Pero batid naman ng marami na kailanman ay hindi naging pabaya ang QCPD. Katunayan, kamakailan ang milyon-milyon din halaga ng shabu at cocaine ang nakompiska ng QCPD sa pangunguna pa rin ni Razon.
Siyempre, ang accomplishment ay dahil na rin sa magaling na pamamalakad ni Albano sa QCPD.
Kaya sa iyo Gen. Albano, Sr. Insp. Razon sampu ng mga bataan mo sa DAID, saludo ang bayan sa inyo. Ang gagaling niyo. Nakatitiyak po ako na maraming magulang ang natuwa sa accomplishment na ito.
Mabuhay ang QCPD!
***
LAKING tuwa ng mga kawani at opisyal ng Bureau of Customs (BOC) sa ginawang pagbuwag ni Customs Comm. Ruffy Biazon sa mga task force sa ahensiya na inaabuso naman ng iilan para sa sariling kapakanan.
Natuwa sa hakbangin ni Biazon ang mga rank and file na nasaktan sa batikos ni PNoy noong nakaraang SONA. Nadamay sa kalokohan ng mga tiwali partikular na sa React.
Una nang binuwag ni Biazon ang Task Force REACT batay sa direktiba ni Pangulong Aquino makaraang makatanggap ang Palasyo ng impormasyon na naabuso ang REACT. Nagagamit ito sa pangongotong sa mga illegal at matitinong negosyanteng may mga transaksyon sa BOC.
Iniipit ng mga tiwali sa TF ang mga transaksyon ng brokers para kanilang makotongan.
Lamang, may impormasyon sa BOC na baka isang moro-moro lang ang pagbuwag sa REACT at iba pang mga task force na wala naman silbi sa ahensya, dahil malaki ang posibilidad na ililipat lang naman sa ibang unit/dibisyon ang mga tiwali pero kanila pa rin maipagpatuloy ang pangungulimbat sa kaban ng bayan.
Almar Danguilan