WALANG NAGAWA ANG PAGMAMAKAAWA NI PETE SA PAPATAY SA KANYA
Natigagal si Pete sa narinig na mga pahayag ng kanyang ninong.
“Ibaon nang buhay ang ungas na ‘yan… Baka pati ako’y abutin na ng ‘sunog’ ‘pag ‘di pa ‘yan napatahimik!”
“Yes, Sir!”
Nanggilalas siya sa takot nang pigilan siya sa tig-isang braso ng dalawang lalaki. Pinanlamig ng matinding takot ang buo niyang katawan. Ipinapapatay siya kay Dodong ng kanyang ninong na lumilitaw na pinaka-ulo ng sindikato ng droga sa kanilang lalawigan. Sa isip niya, nakikisuso rin pala siya sa dibdib ng isang animal na may matutulis na sungay. At lumilitaw pang mas masahol siya sa mga kasamahang nagpuputa sa larangan ng pama-mamahayag.
Napaluhod siya sa lupa. Nakiusap kay Dodong na huwag siyang patayin alang-alang sa mga magulang na unang labis na mamimighati. Para na rin sa asawa niyang mawawalan ng kaagapay sa buhay kung maagang mabibiyuda, at higit sa lahat ay para sa kaisa-isa niyang anak na mangungulila sa isang ama.
“Trabaho lang ‘to, Idol… walang personalan,” sabi ni Dodong, hawak ang baril na kwarenta’y singko.
“’Yan ba’ng sinasabi mo na balang-araw ay makagaganti ka rin ng utang na loob sa ‘kin?” sigaw niya sa panunumbat sa kababatang lumpen.
“Totoo ‘yun, Idol,” sabi sa kanya ni Dodong na walang anumang nakalarawang ekspresyon sa mukha. “Kaya nga susuwayin ko ang utos ni Cong…”
Bahagyang nagluwag ang paghinga niya. Pero saglit na saglit lang. Paglingon niya, ang dulo ng baril ni Dodong ay nakaumang na sa kanyang batok. Kitang-kita niya ang pagkalabit nito sa gatilyo ng kwarenta’y singko.
“Bang!”
“Kung ibinaon kita nang buhay, kasumpa-sumpang kamatayan ang dadanasin mo. Bayad na ko sa ‘yo, Idol… Quits na tayo!” At sumaludo si Dodong sa hukay na lampas-baywang.
Burado na ang pangalan ni Pete sa blue book ni Congressman Rojovilla. – Wakas-
Rey Atalia