ISINIWALAT ngayon ng isang abogado ang daan-daang milyong pisong naibubulsa mula sa mga transaksyon sa Department of Agriculture (DA) sa isang modus na “kalokalike” ng kay Janet Lim Napoles.
Habang sunod-sunod ang depensa ng DA at ng NFA dahil sa halos kalahating milyong scam sa pag-aangkat ng bigas, isa na namang taxpayer at volunteer counsel ng Volunteers Against Crime and Corruption na nagngangalang Atty. Ariel Genaro G. Jawid ang nagsiwalat ng katiwalian sa maanomalyang importasyon ng produktong agrikultura sa ilalim ng direktang pangangasiwa ng Bureau of Plant Industry (BPI), isang attached agency ng DA.
“Hindi na bago sa atin ito. Nga lamang, hindi Kongreso ang may kinalaman sa mga transaksyon kundi ang Department of Agriculture. Meron silang sariling in-house version ni Janet Lim Napoles sa katauhan ng isang Leah Cruz – na nakikinabang mula sa ilegal at di-makatarungang mga transaksyon kasama ang Bureau of Plant Industry na nagkakahalaga ng P200-milyon sa nakalipas na taon. Walang ipinagkaiba sa mga pekeng NGO ni Janet Napoles, ang mga kompanyang pag-aari ni Leah Cruz ay nakapangalan sa kanyang mga driver, katulong at mga empleyado,” pahayag ni Jawid.
Ayon pa sa abogado, “ang mga kompanyang ito ay ang natatanging napag-ambunan ng mga revalidated importation permits na inisyu ng Bureau of Plant Industry at ang mga ito lamang ang nabiyayaan ng pagkakataong umangkat ng agricultural products mula sa ibang bansa mula noong kalagitnaan ng taon 2012 hanggang ngayon.”
Base sa mga dokumentong hawak ni Jawid, sinabi niya na isang Memorandum ang inilabas ni Director Clarito M. Barron ng BPI noong Abril 20, upang palabasing nais nilang buhayin ang industriya ng bawang sa bansa alinsunod sa ibinalangkas na Garlic Industry Development road Map. Ngunit hindi pa man nakararating sa mga patutunguhang ahensya, opisyal at kawani ng pamahalaan ang nasabing Memorandum ay biglang iniatras ang nasabing instrumento dahil umano sa hablang inihain laban dito.
“Ang problema, hindi nasolusyonan ng nasabing lifting ng nasabing Memorandum ang malaking gusot sa pag-aangkat ng bawang. Wala sanang kwestiyon dito kung hindi tayo binabaha ng daan-daang container ng smuggled na bawang sa mga palengke,” dagdag ni Jawid.
Aniya, matapos iatras ang ban sa importasyon ng bawang, umalagwa na ang mga kompanya ni Leah Cruz at tanging sila lamang ang nabiyayaang makapagpalusot ng barko-barkong inangkat na bawang mula sa kalagitnaan ng 2012 hanggang sa mga oras na ito dahil sa rebalidasyon ng kanilang Importation Permits. Sa pagtaya ni Atty. Jawid, umaabot na sa P192 milyon ang kinikita ni Cruz galing sa kanyang mala-monopolyong importasyon ng bawang.
HATAW News Team