NAGSUMITE si National Bureau of Investigation (NBI) chief Nonnatus Rojas ng kanyang irrevocable resignation kay Pangulong Benigno Aquino III, pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima kahapon.
Ayon kay De Lima, ang pagbibitiw ni Rojas ay kaugnay ng ulat na sinabi ng Pangulo na mayroong “less than trustworthy” at “ahas” sa mga opisyal at ahente sa NBI.
Gayonman, inihayag ni De Lima na irerekomenda niya sa Pangulo na huwag tanggapin ang pagbibitiw ni Rojas.
“It goes to show that he is very principled. It goes to show that he has delicadeza na kahit alam niya at in-explain ko na na hindi ikaw ang tinutukoy ng Pangulo … Definitely he has my trust and confidence and I will say that the President has trust and confidence in him,” ayon kay De Lima.
Kaugnay nito, iniutos ng Pangulo na imbestigahan ang dalawang opisyal ng NBI na sinasabing nag-tip kay Janet Lim-Napoles na siya ay aarestohin, inihayag ni NBI Director Rojas kahapon.
“Transparent kami at kung ano man ang kahihinatnan ng imbestigasyon, kung talaga ngang mayroong ginawang pagkakamali ang dalawang opisyal namin, ay tatanggapin namin at papatawan ng kaukulang parusa kung kinakailangan,” ani Rojas.
Unang inihayag ni Aquino na mayroong “less trustworthy” na mga opisyal sa ahensya. Binanggit din niyang may dalawang opisyal na mayroong ugnayan sa mga senador na sangkot sa pork barrel scam ng pekeng NGOs na pinamumunuan ni Napoles.
Ayon kay Rojas, makikipag-ugnayan siya sa Department of Justice, ngunit hindi siya sigurado kung anong ahensya ng gobyerno ang magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa nasabing dalawang opisyal ng NBI.
(BETH JULIAN/LEONARD BASILIO)