DAPAT nang sampahan ng kasong pandarambong sa Tanggapan ng Ombudsman (OMB) ang mga senador at kongresista, kabilang ang pangunahing suspek na si Janet Lim Napoles at iba pang indibiduwal, na sinasabing nakinabang mula sa P10-bilyong ‘pork barrel’ scam.
Ito ang naging pahayag ni University of the East (UE) College of Law Dean Amado Valdez habang sinabi rin niyang napapanahon na para alisin na ang Priority Development Assistance Program (PDAF) para mawakasan na ang tinagurian niyang “pagnanakaw sa kaban ng bayan.”
Sa Philippine Medical Association (PMA) Kapihan sa Manila Hotel media forum, sinabi ni Valdez na hindi dapat mag-atubili si Pangulong Benigno Aquino III na ibasura ang PDAF dahil nasa kanya ang suporta ng mamamayan gaya ng makikita sa 79 porsyentong approval rating na kanyang naitala sa mga survey.
Una rito, inihayag ni Justice Secretary Leila De Lima na ang magsasampa ng kasong pandarambong ay ang National Bureau of Investigation (NBI) at makikilala ang mga mambabatas na sangkot sa ‘pork barrel’ scam kapag naisampa na ang pormal na reklamo sa OMB sa loob ng isa o dalawang linggo.
Ipinaliwanag ng mga opisyal ng OMB na ang mga mambabatas ang makakasuhan dahil si Napoles ay hindi maaaring sampahan ng alinmang kaso ng graft dahil siya ay isang private citizen.
Sinabi nila na ang mandato ng Ombudsman ay imbestigahan at kasuhanan ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan na nahaharap sa katiwalian.
Ang pagkakasangkot ng mga mambabatas ay malakas batay sa ebidensyang kinalap ng NBI at mga testimonya ng mga whistleblower na may personal na kaalaman ukol sa iregularidad.
(Tracy Cabrera)