GENERAL SANTOS CITY – Isa ang patay habang isa ang sugatan sa pagsabog ng landmine matapos sunugin ng New People’s Army (NPA) ang planta ng rubber sa Talontalunan, Makilala, Cotabato dakong 8 p.m. kamakalawa.
Kinilala ni Kagawad Madonna Dizon ng Makilala, ang namatay na si Hector Lalaguna at ang sugatan naman ay si Boy Pondang, kapwa empleyado ng planta.
Umabot sa 30 miyembro ng Committee Front 71 ng NPA na sakay ng elf ang pumasok sa planta na pagmamay-ari ng isang Mr. Pacheco.
Sinunog ng mga rebelde ang dalawang imprastraktura na kinabibilangan ng planta at opisina ng naturang kompanya.
Nagresponde ang mga biktima ngunit sumabog ang landmine na iniwan ng mga rebelde.
Dalawang anggulo ang tinututukan sa imbestigasyon, ang posibleng hindi pagbayad ng revolutionary tax at ang pagbaba ng presyo ng goma.
Pinaniniwalaan na aabot sa P1 million ang iniwang danyos sa sunog dahil ang planta ang pinakamalaki sa naturang lugar.