BAGAMA’T ayon sa ulat ay pababa na ang mga kaso ng dengue, hindi pa rin ito sapat na dahilan upang maging kompyansa ang pamahalaan gayundin ang komunidad dahil mayroon pa ring mga ulat kaugnay ng sakit na ito ang nakararating sa Department of Health (DoH).
Ito ang dahilan, ayon kay noted inventor Gonzalo Catan Jr., na ang anti-dengue drive ay dapat na ipatupad sa buong taon, hakbang na aniya ay hindi lamang lunas kundi bilang paglaban sa sakit.
Bagama’t hindi ito 100 porsyentong garantiya na ang dengue ay ganap na masusugpo ngunit ito ay makatutulong para ito ay makontrol.
“The problem is,” ayon kay Catan, “we have the tendency to put down our guard when we find the disease waning.”
Si Catan ay executive vice president ng Mapecon Philippines, ang kompanya na tumutulong sa pagsugpo ng pagkalat ng mga lamok, ang insektong nagtataglay ng dengue.
Aniya, layunin ng kanyang kompanya na malipol ang mga peste sa kapaligiran. Sinabi ni Catan na ang malinis at maayos na kapaligiran ay epektibong paraan laban sa dengue.
Idiniin din ni Catan, ang pest-free environment ay posible dahil sa pagiging available ng mga produkto at pamamaraan na pinaniniwalaan niyang makatutugon sa suliraning ito.
Katulad ng nabanggit sa nakaraang mga ulat, ang pinakamabisang paraan para mapigilan ang pagkalat ng dengue ay ang pagwasak sa kanilang breeding places katulad ng stagnant esteros, lumang gulong, lata, o bao ng niyog.
Sa pamamaraang ito ay maipatutupad ng mga komunidad ang kanilang pakikibahagi sa pagsugpo sa nasabing sakit.