SA ISIP NI PETE PADER ANG BABANGGAIN NG NINONG NIYA SA PAGKA-CONGRESSMAN
Sa isip ni Pete, desidido na yatang talaga si Congressman Rojovilla na tumakbong gobernador kaya hinulaan niyang kakaila-nganin na nito ang serbisyo niya. Bukod sa pagpapaanunsiyo sa Mister Siomai and Siopao sa kanyang radio program ay mahigit limang taon na rin siyang naka-payroll sa blue book nito. Lihim na lihim ang pagpi-PR niya sa kongresista. Batid niya, kahit hindi binabanggit sa Journa-list’s Code of Ethics, ang maging isang publisista ng anumang kom-panya o ng sinumang indibidwal, lalo’t nasa gobyerno, ay maituturing na rin na isang anyo ng “pagpuputa” ng isang mamamahayag.
Landslide lagi ang panalo sa pagka-kongresista ni Congressman Rojovilla sa kanilang bayan. Noong nakaraang halalan ay halos wala nang gustong kumalaban sa ninong niya dahil malapit ito sa puso ng kanyang mga kababayan. Bukang-bibig sa ‘di-iilan ang kabaitan nito: bukas ang tahanan sa mga nangangailangan gaya ng pagpapalibing sa mga walang-wala, pagsagot sa gastusin ng pobreng maysakit, tumutulong sa mga kabataang gustong makapagtapos ng pag-aaral, at marami pang gawaing pagpipilantropo. Na hindi naman talagang papel ng isang kinatawan sa Kongreso.
Sa isang banda, alam din ni Pete na hindi madaling banggain ang nakaupong gobernador sa kanilang lalawigan. Malakas ang karisma ni Gob sa mga kabataan at kababaihan. Huli nito ang kiliti ng masa. Nakakuha rin ito ng malaking boto sa hanay ng mga negosyante, propesyunal at intilektuwal. Posibleng “may tulog” sa laban ang kanyang ninong sa darating na halalan.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia