APAT hanggang anim na linggo na hindi makalalaro si Japeth Aguilar para sa Barangay Ginebra San Miguel sa PBA Governors’ Cup dahil sa kanyang pilay sa kanang tuhod.
Ayon kay Ginebra coach Ato Agustin, sinabihan siya ng sikat na doktor na si Raul Canlas tungkol sa pilay ni Aguilar noong Biyernes nang natalo ang Kings kontra Barako Bull.
Dahil dito, hihina ang ilalim ng Ginebra dahil pilay din si Kerby Raymundo.
“Japeth will be out for the rest of the eliminations,” wika ni Agustin. “Pati si Kerby, di pa natin alam kung kailan siya lalaro.”
Dahil sa pilay, nanganganib din ang paglalaro ni Aguilar sa Gilas Pilipinas para sa FIBA World Cup sa Espanya sa susunod na taon.
Sa ngayon, tanging sina Billy Mamaril at Rico Maierhofer ang mga naiwang sentro ng Ginebra.
“Balak naming kunin ng isa pang big man na free agent,” ani Agustin bago ang laro ng Ginebra kontra Alaska kahapon.
May posibilidad na ibabalik ng Ginebra si Eric Menk na kalalaro lang para sa San Miguel Beer ng ASEAN Basketball League.
Ni JAMES TY III