Friday , December 27 2024

PNoy binatikos sa ‘Pangako’ sa Paris-Cop21

020216 FRONTMARIING nanawagan nitong Lunes ang kandidatong senador na si Rep. Martin Romualdez ng Leyte kay Pangulong Benigno S. Aquino III na tuparin ang mga kaukulang hakbang na ‘ipinangako sa mundo’  na kanyang binitiwan sa harap ng mga delegado ng P21st Conference of Parties (COP 21) sa kabila ng tinukoy ni Romualdez na ‘kuwestiyonableng pagkiling’ sa mga ipinapatayong mga planta ng koryente na nakabase sa karbon o coal ang panggatong.

Isa sa mga unang opisyal na aktibidad ni Aquino upang simulan ang taon ang pagpapasinaya sa 300-megawatt coal power plant sa Davao, wala pang isang buwan matapos sumpaan ang kasunduan ng mga bansang bahagi ng COP21 o ang 2015 Paris Climate Conference na pinag-usapan ng mga delegado kung paano ipapatupad ang mga kasunduang itinatadhana ng United Nations Framework on Climate Change (UNFCCC) upang mapababa ang greenhouse-gas na ibinubuga sa hangin ng bawat kasaping bansa sa 70 porsiyento ng kasalukuyang lebel sa taon 2030.

“Dahil sa pangakong ‘full de-carbonization’ sa taon 2050, pinalakpakan ng mundo ang pangulo. Ibig sabihin, ang buong bansa ay iilawan ng koryente o enerhiyang mula sa malinis na ‘renewable energy’ sources pagtungtong ng 2050. Sa totoo lang, ito’y malapit na sa panaginip – napakalaking ambisyon na kung nais talaga nating tupdin, kailangan ang lahat ng proyekto ng gobyerno ay nakalinya sa itinakdang hakbang ng pangulo tungo sa malakihang pagpapababa ng pinakakawalang karbon sa hangin,” paliwanag ng House Committee on Climate Change member na si Romualdez.

Bukod sa bagong coal-fired powerplant sa Davao, 23 pang mga planta ng enerhiyang gagatungan ng karbon ang ipapatayo at nakatakdang patakbuhin sa 2020.

“Bagama’t nasa plano na ang “coal-fired powerplant” bago binitiwan ang mga nabanggit na pangako ng pangulo sa Paris, kailangan nating magkumahog para  repasohin ang mga kontratang sinumpaan na, at nais pang pasukin, upang matiyak ang kakayahan nating tuparin ang ano mang mapagkakasunduan sa hinaharap,” diin ng abogadong mambabatas mula sa UP.

Ayon kay Romualdez ang Vietnam, isa sa mga karatig-bansa ng Filipinas sa ASEAN Region ay nakatakda nang tuparin ang pagtalikod sa planta ng koryente mula sa karbon ayon kay Prime Minister Nguyen Tan Dung ng na nangako noong nakaraang taon na “rerepasohin ang lahat ng naiplanong coal-fed energy plants” kasabay ng pahayag na “ihihinto ng kanyang pangasiwaan ang lahat ng nakatakdang pagpapatayo ng mga gaya nito.”

Sinabi rin umano ng lider ng karatig-bansa na “kailangan tuparin ng Vietnam ang lahat ng ipinangako namin sa mundo hinggil sa pagpapababa ng ‘greenhouse gas emissions’ at pagpapaigting ng pamumuhunan sa renewable energy.”

Bago pumirma sa makasaysayang kasunduan sa Paris, “nagpahiwatig si Aquino sa kanyang talumpati ng kahandaang bawasan ang pinapakawalang carbon emissions. Inulit ito sa Climate Vulnerable Forum (CVF) kasabay ng pagsasabing ang kanyang pamunuan ay naghahanap ng iba pang pagkukuhaan ng enerhiya at pinag-iibayo ang paggamit ng ‘renewables.’ Mukhang salungat ang mga pahayag na ito sa pagtutulak ng administrasyon sa maruruming plantang karbon.”

Ipinaliwanag din ng mambabatas na ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya ay dapat na nakasalalay sa mas mahalagang layunin sa pangangalaga sa kalikasan at sa kalusugan ng mamamayan.

“Nauunawan natin na mayroong kakulangan sa suplay ng koryente, ngunit nangako tayo at dapat itong  isakatuparan. Hindi dapat naisasapalaran ang kapakanan ng susunod na henerasyon dahil sa iksi o kababawan ng mga pananaw. Nabubuhay tayo sa gitna ng namemeligrong kapaligiran, at hindi naman marahil  kaila sa lahat ang pinagdaanan nating delubyong epekto ng climate change,” ayon sa kinatawan ng Leyte.

Lubhang nasalanta ang lalawigan ni Romualedez noong Nobyembre 2013 ng bagyong Yolanda na itinuturing na pinakamalakas at pinakamapaminsalang bagyong naitala sa kasaysayan.

About Hataw News Team

Check Also

Robin Padilla Cannabis Marijuana

Robin iginiit benepisyong medikal na makukuha sa cannabis

SHOWBIZ KONEKni Maricris Valdez Nicasio MASIGASIG si Sen. Robin Padilla sa pagsusulong ng medical cannabis dahil naniniwala …

Zamboanga del Norte

Supplemental budget nakabinbin
OPS NG PROV’L AT DISTRICT HOSPITALS, IBANG PAGAWAING BAYAN SA ZAMBO DEL NORTE POSIBLENG MATIGIL — GOV. NENE

ITO ang malalim na laman ng pahayag ni Governor Jalosjos sa media makaraang sumulat sa …

SMC Toll Fee

Bilang pasasalamat sa mga motorista
BAYARIN SA EXPRESSWAY KAKANSELAHIN NG SMC SA BISPERAS NG PASKO AT BAGONG TAON

NAKATAKDANG kanselahin ng Conglomerate San Miguel Corporation (SMC) ang mga bayarin para sa expressway network …

SM Krus na Ligas 1

Promoting wellness and enhancing healthcare delivery
SM Foundation upgrades vital Quezon City community health center

Refurbished by SM Foundation, Krus Na Ligas Health Center caters to over 73,000 residents of …

Manila Honey Lacuna Yul Servo Nieto

Mayor Honey, VM Yul, Asenso Manileño Team namahagi ng Christmas gift boxes para sa Senior Citizens ng Maynila

NAMAHAGI ng Christmas gift boxes sina Mayor Honey Lacuna – Pangan, Vice Mayor Yul Servo …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *