Gapo mayor, ginoyo ang publiko sa utang sa koryente
Hataw
November 12, 2015
News
OLONGAPO CITY – Simula Agosto 2013 hanggang sa kasalukuyan, walang ibinabayad ang pamahalaang lokal ng lungsod sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).
Nilinaw ito ni Olongapo City Councilor Edic Piano kaugnay sa pahayag ni Mayor Rolen Paulino ng P200 milyon para sa pagkakautang ng lunsod sa PSALM na umaabot sa mahigit na P5 bilyon.
“Sinasabi ni Mayor Paulino na P200 milyon na ang naibayad niya sa PSALM. Ngunit ayon sa records ng PSALM, P30 milyon lamang ang naibayad nito simula noong July 2013,” ani Piano. “Pagkatapos noon, walang nang naisunod na pagbabayad.”
Paliwanag pa ni Piano, bago bumaba ng puwesto si dating mayor James “Bong” Gordon Jr. noong July 2013 ay naiayos na nito ang problema sa koryente, pati na ang pagkakautang nito sa PSALM.
“Sa pangyayaring ito, paano sisingilin ang isang kompanya (PUD) na sarado na,” pagtatanong ni Piano. “Wala na rin maaaring ibigay na notice of disconnection sa Olongapo dahil OEDC na ang nagpapatakbo nito.”
Ipinaliwanag din ni Piano na ibinasura ng Ombudsman ang kasong isinampa ng mga kritiko laban kay Gordon matapos mapatunayan na walang basehan ang reklamo.
Nakasaad sa desisyon ng Ombudsman na walang ninakaw na pera si Gordon, at sa halip, pinuri pa nito ang desisyon ni Gordon na isapribado ang PUD dahil higit na nakabuti ito sa taong bayan at pamahalaan.
Bago bumaba si Gordon sa City Hall, iniwan nito sa kaban ng lungsod ang P628 milyon na ibinayad ng OEDC.
“So, mali ang sinasabi ni Paulino na lubog sa utang ang Olongapo,” dagdag ni Piano sabay paglilinaw na dahil sa mabilis na pagsasaayos ng OEDC ay nadarama na ngayon ng mga residente ang maaayos at maginhawang pagpapatakbo ng koryente kumpara sa panahon ng PUD.
Inamin naman ni dating Sen. Richard “Dick” Gordon, na hindi siya pabor noong una sa pagsasapribado ng PUD pero makaraan ang ilang buwan at makita ang maayos na serbisyo at isinagawang mga pagbabago sa power system ng OEDC ay ikinakatuwa na niya ang desisyon ng kapatid.
ADB