Lehitimong kompanya ginagamit ng sugar smugglers
Hataw
October 27, 2015
News
NABISTONG gumagamit ng lehitimong mga kompanya ang sindikatong nagtangkang magpuslit kamakailan ng 57 containers ng asukal mula sa Thailand na may halagang P40 milyon at naharang ng Intelligence Group (IG) ng Bureau of Customs (BOC).
Naka-consign ang epektos sa Rainbow Holdings, Inc., isang kompanyang Koreano na may tanggapan sa Madrigal Business Park, Ayala, Alabang, Muntinlupa City pero pinabulaanan ng presidente at chief executive officer nito na si Bb. Grace Son Eukyoung na hindi sila nagnenegosyo ng asukal kundi aspalto lamang.
Ikinagalit ni Son na ginamit ng smuggling syndicate sa BOC ang pangalan ng Rainbow para sila ang imbestigahan ng mga awtoridad kaya malinaw na frame-up ang nangyari.
“The battle against rice or sugar smuggling is not just in balikbayan boxes or random confiscation of suspected hot items or containers among traders but a total crackdown,” sabi ni Son. “So now, these syndicates use fall guy companies that will take the brunt if the shipment is seized.”
Lumiham na ang Rainbow sa mga opisyal ng BOC upang linawin na huli silang umangkat noong Hulyo 21, 2015 ng Bitumen (aspalto) kaya iginiit na wala silang kinalaman sa pag-import ng asukal na nakumpiska ng BOC.
Idinagdag ni Son na lehitimo ang kanilang kompanya at suportado nila ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga ismagler lalo nang magpatupad ng kasunduan ang BOC, Sugar Regulatory Administration (SRA) at Sugar Anti-Smuggling Office of the Sugar Alliance of the Philippines (SASO) na magtalaga ng mga kinatawan para mapigil ang sugar smuggling.
“We are one with the efforts to cleanse our government of crooks,” dagdag ni Son. “We believe that curbing sugar smuggling in the country is a move consistent with the genuine desire of the ‘Tuwid na Daan’ policy of the administration of President PNoy.”