Si Kevin ay alaga ni Kuya Boy Palma na siya ring manager ni Nora Aunor kaya naman hindi imposibleng isa sa mga araw na ito’y makatrabaho niya ang Superstar. Isa ito sa pangarap ni Kevin dahil tulad ng ibang artista, nasa bucket list din niya ito. Bukod kay Nora, gusto rin niyang makatrabaho si Coco Martin na sobra rin niyang hinahangaang ang galing umarte.
Ipinanganak si Kevin noong August 5, 1995 sa Winnipeg, Manitoba, Canada na ang mga magulang ay tubong Badiangan, Iloilo City na nag-migrate sa Canada para bigyan ng mas magandang buhay ang kanilang pamilya.
Ang daddy niyang si Bernardo Poblacion ay nagtatrabaho bilang isang custodian sa Burnaby School board, isang government school at ang kanyang inang si Jean Lopez Poblacion naman ay isang registered nurse. Dalawa lamang na magkapatid sina Kevin at Bryan at isang taong gulang pa lamang noon si Kevin nang magtungo sila sa Canada.
Dalawang taong nag-stay si kevin sa Iloilo noong nasa elementarya ito para matuto ng salitang Ilonggo. Matapos iyon ay bumalik na ng Canada para tapusin ang high school at kolehiyo. Noong Abril lamang dumating ng Pilipinas si Kevin para ipagpatuloy ang pangarap na mag-artista.
Ani Kevin, mas gusto niya ang buhay at lifestyle sa ‘Pinas. ”So much fun in ‘Pinas. My heart is here! I am proud to be a Filipino-Canadian!”
Sa totoo lang, may career na si Kevin sa Canada dahil nagtatrabaho na siya roon sa A&W fastfood restaurant pero isinantabi niya muna ito para subukin ang kapalaran sa showbiz.
Nang dumating si Kevin sa ‘Pinas, agad siyang nag-enrol ng acting workshop sa ABS-CBN Star Magic na ang mentor niya ay si Director Rhyan Carlos. Nais kasi niyang maging handa agad sa pagpasok sa showbiz bilang actor. Natapos na niyang ang unang workshop last August at ngayon naman ay kumukuha siya ng advanced acting workshop na tatagal ng anim na buwan.
“I hope that I will be able to share my talent to my kababayans,” ani Kevin na puspusan din ng pag-aaral ng Tagalog.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio