Ang dalawang Guinness records na naitala ng Felix Manalo movie ay Largest Attendance at A Film Screening na dating hawak ng documentary film na Honor Flight noong 2012 na ginawa ang premiere sa Miller Park Stadium, Milwaukee Wisconsin, USA at dinaluhan ng 28,442 katao. Ang Largest Attendance for a Film Premiere na dating hawak ng The Chronicles of Narnia: Prince Caspian sa 10,000 in attendance na ginawa sa 02 Arena, London noong 2008.
Ano ang na-feel ni Dennis sa record breaking attendance na ito at sa response ng audience sa movie nila? “Para akong nasa isang sobrang sa-yang panaginip na napakaraming magagandang nangyayari na hindi normal na nangyayari talaga.
“So, feeling ko ay nasa panaginip ako na nagkaisa ang mga Kapatid at mga Filipino na magtipon-tipon dito hanggang ma-reach iyong goal. Na sa awa ng Diyos, naka-break ng dalawang world records. Bukod doon, siyempre ay napakaraming tao ang nakapanood ng pinaghirapan naming proyekto. So, roon pa lang ay nakatutuwa na at sinuportahan nila kami,” esplika ng aktor.
Ano ang reaction mo sa response ng audience? “Nakakatuwa… noong umpisa, siyempre ay kinakabahan ako. Hindi ko kasi alam kung ano ang magiging reaction ng mga makapapanood, lalo na ng mga Kapatid sa Iglesia. Pero noong unti-unti, nakikita ko na nagre-react sila sa mga eksena, sabi ko, ‘Uy, natutuwa sila.’ Na hindi namin akalain na magiging ganoon ang reaction nila.”
Sinabi rin niyang kinilabutan siya sa maraming eksena rito. “Iyong death scene nakakikilabot, maraming eksena na kikilabutan ka, e. So, ano pa kaya ang mga Kapatid na makakapanood? Dahil siyempre, mahahalagang mga kaganapan iyon sa history ng Iglesia ni Cristo. So, nakatutuwa lang na pinili kami para i-represent at maisabuhay ‘yung mga importanteng tao na hindi nila naabutan. Nakatulong kami para mas makilala nila iyon.”
Ang pelikulang Felix Manalo ay ginastusan ng P150 milyon at ginamitan ng higit 7,000 artista at ekstra. Bukod kay Dennis, tinatampukan ito nina Bela Padilla, Mylene Dizon, Gabby Concepcion, Jaclyn Jose, Snooky Serna, Gladys Reyes, Yul Servo, at iba pa. Simula na ng showing ngayong araw, October 7, 2015 sa higit 300 mga sinehan.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio