Kapwa abala ang mag-asawa sa pag-ikot sa buong bansa para sa kani-kanilang adbokasiya. Si Ate Koring ay abala pa rin sa kanyang Handog-Tsinelas bilang bahagi ng Rated K campaign niya na patuloy na ipnamamahagi sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Patok din ang kanyang Five Secrets To Success na paboritong paksa sa iba’t ibang mga unibersidad at mga paaralan.
“Ang sarap ng pakiramdam lalo na kapag nakikita ko ang mga ngiti at saya ng mga batang binibigyan namin ng bagong pares ng tsinelas. Nakalilimutan ko ang lahat ng pagod kapag hinahalikan nila ako,” ani Koring. “Exciting at masaya rin ang mga talk ko sa mga school dahil nakaka-refresh kasama ang mga estudyante. Punompuno sila ng pag-asa at sobrang positive nila.”
Si Kuya Mar naman ay abala sa pag-iikot sa bansa habang nagdadala ng mga fire trucks, patrol jeeps, patrol boats, CCTV cameras, at patubig sa ibat ibang bahagi ng bansa. Pagkakataon na rin daw ito para marinig ang pulso ng mga tao ukol sa iba’t ibang isyu. Sa totoo lang, nakaka-touch ang ang huling pagbisita ni Mar sa Bacolod dahil tubong Negros ang kanyang ina at pamilya. Sobrang saya nang bumisita si Mar sa Talisay Market ng Bacolod. Pinagkaguluhan siya sa palengke at hindi mapigilan ang mga tindera at tinderong lumapit sa kanya dahil sa kagalakan ng mga ito na makita ang pinakamamahal nilang si Mr. Palengke.
May nakita pa kaming larawan na dahil sa sobrang kaabalahan eh, sa Iloilo pa nagkita ang mag-asawa. Wala silang kamalay-malay na pareho pala silang nasa Iloilo at magkakape sila sa iisang coffee shop.
“Sinabihan ako ng mga misis ng mga mayor at congressman na natural lang para sa mag-asawa na nasa serbisyo publiko na maging sobrang busy at magkagulatan. Ibang klase talaga. Kaya naman ‘di maipinta ang saya naming mag-asawa nang biglaan kaming nagkita sa Iloilo,” kuwento pa ni Koring.
Ganoon talaga ang buhay ng mga taong abala at iyon ang kapalit ng kasipagan nilang mag-asawa na halos hindi na magkita kaya naman ‘di mapigilan ang sweetness nila tuwing sila ay magkasama! ‘Yun na!
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio