Amang suspek sa rape-slay sa anak, timbog
hataw tabloid
April 15, 2015
News
MAKARAAN ang pitong taon pagtatago, nadakip kamakalawa ng mga pulis ang isang 34-anyos jeepney driver na responsable sa paghalay at pagpatay sa sariling anak kamakailan sa Daet, Camarines Norte.
Kinilala ang suspek na si Gordon Bermillo, 34, alyas Boboy, tubong Camarines Norte, at nakatira sa San Gregorio, Moonwalk, Las Piñas City.
Pasado 2 p.m. nang arestohin si Bermillo nang pinagsanib na puwersa ng pulisya sa pamumuno ni Chief Insp. Giovanni Martinez, nakatalaga sa Task Force Tugis, Camp Crame, Quezon City.
Base ito sa bisa ng standing warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Arniel Dating, ng Daet, Camarines Norte, Regional Trial Court, Branch 41, sa akusadong si Bermillo sa kasong rape with homicide.
Ayon kay Chief Insp. Martinez, pinagsamantalahan muna ni Bermillo ang babaeng anak saka pinatay sa kanilang probinsiya noong 2007.
Makaraan ang krimen, tumakas si Bermillo at naghanapbuhay bilang jeepney driver sa Muntinlupa City.
Bago naaresto, nitong Abril 9 habang nagmamaneho ng jeep (DET-523) ay nasangkot siya sa traffic accident sa West Service Road, Sucat, Muntinlupa na ikinamatay ni Shirly Rabusa, 56-anyos.
Pasakay ng jeep ang biktima nang banggain ang nasabing sasakyan ng Honda Civic (WDD-541) na minamaneho ni Jose Emmanuel Ranola, 24, kaya’t naipit ng kotse ang katawan ng biktima.
Dinala sa opisina ng traffic unit ng Muntinlupa Police ang dalawang driver para imbestigahan kung sino ang may kasalanan sa insidente.
Napanood sa telebisyon ng ilang kaanak habang iniinterbyu si Bermillo kaugnay sa insidente at nakilala. Bunsod nito, agad ipinabatid sa pulisya sa Camarines Norte at kinontak si Chief Insp. Martinez ng Task Force Tugis, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa opisina ng traffic unit kamakalawa sa Alabang, Muntinlupa.
Manny Alcala