DAPAT kuwestiyonin ang ‘iregular’ na paglabas ng warrant of arrest at pagdakip kay dating National Press Club (NPC), Alab ng Mamamahayag (ALAM) chairman, Hataw publisher/columnist at Katapat co-anchor Jerry Yap sa dalawang kaso ng libel.
Ito ang reaksiyon kahapon ni dating Bayan Muna Party-list Rep. at veteran journalist na si Satur Ocampo kaugnay sa pag-aresto kay Yap ng mga pulis-Maynila sa NAIA Terminal 3 nitong Easter Sunday.
“Dapat kuwestiyonin ang kutsabahan, lalo na’t kung may katotohanan na naglabas ng warrat of arrest ang judge sa araw na holiday, walang resolution mula sa prosecutor at walang natanggap na information si Mr. Yap mula sa hukuman. Medyo may unusual haste ito sa kasong libel na hindi naman a matter of life and death,” ani Ocampo.
Nauna nang kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang insidente at pinagpapaliwanag si Manila Police District (MPD) Director Rolando Nana sa naging aksiyon ng kanyang mga tauhan sa kaduda-dudang pagdakip kay Yap na paglabag sa Memorandum of Agreement (MOA) ng Philippine National Police sa NPC, NUJP, Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) at Philippine Press Institute (PPI) na walang pag-arestong gagawin sa hanay ng media na nahaharap sa kasong libel kung weekend.
ni ROSE NOVENARIO