Narehistro sa mukha ni Carmela ang matinding galit. Pero ang tangi lamang ni-yang nagawa ay magmura nang magmura sa isip.
Nagsumbong kay Digoy ang dalagang kababata niya.
“May pagka-manyak ‘ata ang hayup, e,” anitong mangiyak-ngiyak sa sama ng loob.
“Sa susunod, maging alisto at mag-ingat ka na sa pon-jap na ‘yun,” payo niya kay Carmela.
Nakasigaw na agad si Mang Pilo nang lumapit sa binata at dalaga.
“Oy, oras ng trabaho…. Wala munang kuwento-kuwentohan,” ang dagundong na malaking boses nito.
Totoong mahigpit ang bisor nina Digoy sa pagdisiplina sa lahat ng trabahador ng pabrika. Kay Gardo lang siya naging magiliw sa pakikitungo. Kay Gardo na ang na-ging mga pakinabang sa pagsisipsip ay libreng tanghalian at hapunan. At ang pagsasama nito sa kababatang kabinata sa paggugudtaym sa gabi sa karatig na bayan ng isla.
Sumasabay si Mang Pilo sa iilang kawani ng pabrika na may pribilehiyong sunduin at ihatid sa pagpasok at pag-uwi ng bangkang de-motor. Ito ‘yung mga nag-oopisina sa itaas ng gusali ng pabrika; ang matandang babae na kumapal ang salamin sa pag-aasikaso ng salaping lumalabas at pumapasok sa kompanya, namamahala sa pagma-market ng produkto, namamahala sa distribusyon ng produkto sa mga merkado, tagasuri ng lasa at kalidad ng de-latang sardinas at iba pa. Nakikisabay si Mang Pilo sa sasakyang pandagat kapag ibig maglibang-libang sa mga bahay-aliwan sa karatig ba-yan ng isla. At karay-karay pa si Gardo.
“Gusto mo lang uminom, dadayo ka pa sa malayo…” paninita ni Aling Adela kay Mang Pilo.
“E, paano naman akong gaganahang uminon dito, e nanunuot sa ilong ko ang sangsang ng mga isda,” anito sa pagmamarakulyo.
“’Pag umuwi kang amoy babae… Na-kuuu! Humanda ka sa ‘kin,” pagbabanta ni Aling Adela sa asawa.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia