ni James Ty III
SA PAGSISIMULA ng UAAP Season 78 sa Setyembre ay inaasahang magkakaroon ng malaking pagbabago sa lineup ng University of the East men’s basketball.
Kinompirma ng head coach ng Warriors na si Derrick Pumaren na hindi na lalaro para sa kanila ang pambatong guwardiya na si Roi Sumang.
Ayon kay Pumaren, lalaro si Sumang para sa Tanduay Rhum sa PBA D League bago siya magpalista sa PBA Rookie Draft sa Agosto.
Si Lawrence Chiongson na dating coach ni Sumang sa UE ay coach ngayon ng Rhum Masters.
Nagtala si Sumang ng 17 puntos sa unang panalo ng Tanduay sa Foundation Cup, 79-61, kontra Jumbo Plastic Linoleum noong Lunes.
Nag-average si Sumang ng 13 puntos, 3.9 assists, 2.9 rebounds at 1.1 na agaw sa 13 na laro para sa UE noong huling UAAP season kung saan hindi nakapasok ang Warriors sa Final Four.
Isang beses na ibinangko ni Pumaren si Sumang dahil sa hindi pagsipot ng huli sa ensayo ng Warriors.
Bukod kay Sumang, hindi na rin lalaro para sa UE sa susunod na UAAP season sina Charles Mammie at Gino Jumao-as.
Tapos na ang eligibility ni Mammie sa Warriors samantalang may plano si Jumao-as na lumipat sa Arellano University sa NCAA.
Idinagdag ni Pumaren na si Dan Alberto na ang papalit sa puwestong iniwan ni Sumang samantalang magiging isa sa mga rookies ng UE sa UAAP Season 78 si Fran Yu ng Chiang Kai Shek.