ni Tracy Cabrera
MAKIKILALA ang number one cheerleading team sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Pebrero sa pagtatanghal ng 2015 National Cheerleading Championship (NCC) anniversary celebration sa Mall of Asia Arena.
Nakatakda ang selebrasyon mula Pebrero 28 hanggang Marso 1, kung kailan magtatanghal ang qualified teams mula sa Central at Northern Luzon, Mindanao, at Visayas para paglabanan nang ‘bragging rights’ bilang pinakamahusay na cheerleading team ng Filipinas.
“Magkikita-kita ang top cheerleading teams sa Manila para sa isang malaking kampeonato sa Mall of Asia Arena,” pahayag ni Itos Valdez ng organizing NCC sa Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s Malate.
Anim na team mula sa Central at Northern Luzon ang pumasok na, kasama ang anim pa mula sa Mindanao at Visayas.
Sa unang araw ng selebrasyon, magtatanghal ang mga team sa pewee at college division, habang sa ikalawang araw ay aasahang magpapakitang gilas ang co-ed division.
Ang topseed teams mula sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association (NCAA) na National University (NU) at University of Perpetual Help (UPH) ay awtomatikong pumasok na sa national finals kasama ang five-time champion at reigning title holder Central Colleges of the Philippines (CCP).