KUNG naging Most Valuable Player ng Philippine Basketball Association si June Mar Fajardo sa kanyang sophomore season, aba’y puwede rin itong sundan ni Gregory Slaughter!
Iyan marahil ang aambisyunin ni Slaughter na siyang naging Rookie of the Year sa nakaraang season ng PBA.
Alam naman ng lahat na matindi ang duwelong namamagitan sa dalawang higanteng ito. Nagsimula ang duwelo noong sila ay naglalaro pa sa Cebu.
Sa totoo lang, angat nga sa duwelo si Slaugher dahil sa una siyang naging MVP sa liga nila.
Kaya nga maaga siyang naluwas sa Maynila. kinuha kaagad siya ng Gilas Pilipinas at mula roon ay naglaro siya sa Ateneo Blue Eagles. Nabigyan niya ng magkasunod na kampeonato ang Blue Eagles bago sila umakyat sa PBA.
Sa kabilang dako, naiwan pa si Fajardo sa Cebu bago kinuha ng San Miguel Beer para sa ASEAN Basketball League (ABL).
Sa ligang iyon ay hindi naman naging dominante si Fajardo dahil sa sina Paul Asi Taulava at Eric Menk ang star ng team.
Pero natuto si Fajardo sa kanyang mga ‘kuya.” Kaya naman naging handa siya sa pagpanhik sa PBA.
Sayang nga lang at hindi naging Rookie of the Year si Fajardo dahil tinalo siya ni Calvin Abueva. Itoy bunga ng pagkakaroon niya ng injury.
Pero nakabawi naman siya at naging pinakamahusay na big man sa liga noong nakaraang season kung kaya’t pinarangalan siya bilang MVP.
Well, puwede na ring malampasan ni Slaughter ang achievement ni Fajardo sa PBA.
Kasi nga’y naging ROY si Slaughter. At kung magiging MVP din siya, e di lalampasan nga niya si Fajardo.
Kaya naman ngayon pa lang ay todo-todo na ang paghahanda ni Slaughter para sa 40th season ng PBA. Hindi siya nagpapahinga.
Gusto talaga niyang umalagwa!
Sabrina Pascua