PAGKATAPOS na tulungan niya ang San Mig Super Coffee na makamit ang Grand Slam sa PBA kamakailan, sasabak naman si Ian Sangalang sa isa sa dalawang koponang ipadadala ng Pilipinas sa FIBA 3×3 World Tour Manila Masters na gagawin ngayong Sabado at Linggo sa SM Megamall Fashion Hall.
Kinompirma ng executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na si Renauld “Sonny” Barrios na tinanggap na ni Sangalang ang imbitasyon na sumali sa 3×3 kasama sina Calvin Abueva at Vic Manuel ng Alaska at Jake Pascual ng Gilas cadets.
“We’re thankful to San Mig Coffee management, the PBA and Sangalang himself because he agreed to play for one of the four teams the Philippines is fielding in this tournament,” wika ni Barrios sa panayam ng www.interaktv.ph.
Isa pang koponan ang isasabak ng PBA sa FIBA 3×3 na sasalihan nina Terrence Romeo ng Globalport, KG Canaleta ng Talk n Text, Aldrech Ramos ng NLEX at Rey Guevarra ng Meralco.
“The PBA guys are still not familiar with the 3×3 rules so we’re getting coach Eric Altamirano, who coached a 3×3 team before, to guide them,” ani Barrios.
Samantala, sinabi rin ni Barrios na umatras na ang grupo nina Kobe Paras, Arvin Tolentino, Thirdy Ravena at Prince Rivero sa FIBA 3×3 dahil sa ilang mga personal na bagay.
Maglalaro sina Ravena at Tolentino para sa Ateneo kontra sa La Salle ni Rivero sa UAAP sa Linggo kasabay ng FIBA 3×3.
Si Paras naman ay nasa Amerika ngayon at hindi siya binigyan ng clearance mula sa Cathedral High School team sa Los Angeles.
Papalitan sila ng apat na manlalaro mula sa Ateneo na kinukumpleto nila ang kanilang residency.
Nakatakda ring sumali ang isang koponan na nanalo sa National Tatluhan tournament.
(James Ty III)