SUMUKO sa Camp Crame si Sen. Juan Ponce Enrile kahapon kaugnay sa kasong plunder bunsod ng pork barrel scam.
Ito’y kasunod ng pagpapalabas ng Sandiganbayan 3rd Division ng arrest warrant laban kay Enrile at iba pang akusado dahil sa pagkakasangkot sa pork barrel scam.
Kasama ni Enrile ang kanyang maybahay na si Cristina, at mga anak na sina Jack at Katrina.
Sinasabing nagpumilit ang dalawang anak ng Senate minority leader na samahan ang kanilang ama.
Kabilang din sa ipinaaaresto ng Sandiganbayan na kapwa akusado ni Enrile ay ang dating chief of staff ng senador na si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, Janet Lim-Napoles, Raymond de Asis at Richard Lim.
Samantala, sumuko rin si Atty. Jessica Lucila “Gigi” Reyes, dating chief of staff ni Enrile, sa Sandiganbayan kahapon ng hapon.
Iprinesenta ni Reyes ang kanyang sarili sa sheriff’s office, makaraan iutos ng anti-graft court ang pag-aresto sa kanya kaugnay ng kasong plunders bunsod ng P10-billion pork barrel scam.
Dumating si Reyes sa Sandiganbayan dakong 5 p.m.
DETENSIYON NI ENRILE IPAUUBAYA SA KORTE
IPINAUUBAYA ng Malacañang sa Sandiganbayan ang desisyon kung saan dapat ikulong si Senator Juan Ponce Enrile kaugna sa kasong plunder bunsod ng pork barrel scam.
“That is up to the Sandiganbayan. It is up for the court to consider if and when a warrant will issue, the matter of his detention place will be in the discretion of the Sandiganbayan,” pahayag ni deputy Presidential spokesperson Abigail Valte.
HATAW News Team