IBINUNYAG ni Sen. Miriam Defensor-Santiago kahapon, na-diagnosed siyang mayroong lung cancer.
Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni Santiago na stage 4 na ang kanyang sakit at nakompirma noong nakaraang linggo lamang.
Hindi maintindihan ng senadora kung ano ang sanhi ng kanyang cancer dahil hindi aniya siya naninigarilyo at hindi rin umiinom.
Sa kabila ng karamdaman, nakuha pang magbiro ni Santiago na hindi niya alam kung bakit siya may cancer dahil hindi siya gumagawa ng adultery at hindi nagsisinungaling sa kanyang mister.
Ayon sa senador, kakaiba ang kanyang kondisyon at wala rin clue ang kanyang mga doktor sa sanhi ng kanyang karamdaman.
Maswerte aniya nagkaroon ng genetic mutation sa kanyang baga dahil napigilan nito ang pagkalat ng cancer cells.
Maluwag na tinanggap ng senadora ang kanyang sakit at hindi aniya siya takot sa cancer.
Sasailalim sa treatment si Sen. Santiago at umaasa na sa pagharap sa susunod na anim na linggo ay cancer-free na siya.
Sa ngayon, ayon kay Santiago, nakikipag-ugnayan na sa mga top oncologists sa mundo ang kanyang kapatid na nagtatrabaho sa Cedars-Sinai Medical Center sa Los Angeles, para sa kanyang pagpapagamot.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)