TUTULONG ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maiuwi ang bangkay ng Pinoy na namatay nang humampas sa bangketa ang kanyang mukha matapos suntukin ng isang lalaki sa New York City.
Sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose, patuloy na makikipag-ugnayan ang Philippine Consulate sa New York sa pamilya ng biktima.
Ayon sa opisyal, ang konsulada na rin ang makikipagtulungan sa mga awtoridad ng Estados Unidos para mapanagutan ng suspek ang ginawang panununtok sa biktimang si Roberto Martinez, 56, na nagtratrabaho sa Amerika bilang isang driver.
Nitong Sabado, nasa 69th St., panulukan ng Roosevelt Ave., sa New York City si Martinez mula sa isang Filipino restaurant nang salubungin ng isang ‘di nakilalang lalaki.
Tinanong umano ng suspek ang biktima kung siya ay isang Filipino.
Nang sumagot ang Pinoy agad siyang sinuntok ng suspek na kanyang ikinatumba at ikinahampas ng mukha sa bangketa na kanyang agarang ikinamatay.
(JAJA GARCIA)