SINABI ni Bob Arum nung isang araw na naka-program na sa November sa Macau ang posibleng laban nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez, pero hindi pa ito matatawag na done-deal.
Pag-uusapan pa ang nasabing laban sa pagtatapos ng June ayon kay Arum.
Sinabi ni Arum sa press conference ng Featherweight Fury sa Venetian’s CotaiArena na si Marquez ang nasa itaas ng listahan ni Pacquiao para sa susunod nitong laban.
Pero ayon sa organizers ng CotaiArena, kailangang palitan ni Arum ang iminumungkahing petsa dahil may concert sa November 8 sa nasabing venue si Celine Dion. At maging ang November 15 na gusto ng promoter ng top Rank ay naka-booked na rin sa laban ng UFC pay-per-view.
Nakatakdang magkita sina Marquez at Arum sa New York sa susunod na Sabado sa magiging laban nina Miguel Cotto at Sergio Martinez sa Madison Square Garden . At aalamin niya dito kung interesado pa ito sa ikalimang paghaharap nila ni Pacquiao.
“Marquez is coming to New York for the fight so at that point I will be able to talk with him and see what his plans are,” paniniguro ni Arum.
Si Marquez ay presko pa sa panalo nito kay American Mike Alvarado noong nakaraang buwan at atubili ito ngayon na harapin si Pacquiao sa ikalimang pagkakataon.
Ang rekord ni Pacquiao kay Marquez ay 2-1-1.