My dear brothers, take note of this: Everyone should be quick to listen, slow to speak and slow to become angry. – James 1: 19
SA wakas nakaharap na rin ni Milo Ilumin ang residente ng Brgy 186 Zone 16 District II na naging biktima ng “hulidap” ng isang pulis-Maynila at barangay tanod team leader nitong Huwebes Santo sa Hermosa Street, Tondo, Maynila.
Sa paghaharap kamakailan sa Manila Barangay Bureau (MBB) main office, positibong itinuro ni Milo sina PO3 Jeriton Tolentino at Tanod team leader Lauro Leonilo Loleng na siyang kumuha ng kanyang perang pambili ng gatas ng kanyang anak na umaabot sa P1,900 makaraang akusahan na galing sa isang tupadahan nitong Abril 17.
***
UMAMIN sa pagkakasala ang tanod team leader na si Loleng, makaraang makipagkasundo sa biktima na isauli ang nakuhang pera.
Sa isang promissory note tinanggap ni Milo ang halagang P1,200 bilang paunang bayad at ang natitirang P700 balanse ay sa Mayo 20, 2014 na lamang ibibigay ng tanod.
‘Yan ang tunay na lalaki, umaamin sa pagkakamali!
PO3 JERITON TOLENTINO,
MAGPAKA-LALAKI KA!
PERO desmayado tayo rito kay PO3 Tolentino, nagmatigas pa rin ang hulidap cop sa pagsasabing wala siyang kinuhang pera kay Milo.
Itinanggi niyang may partisipasyon siya sa ibinibintang ng biktima, pero hindi naman niya maipaliwanag kung bakit siya itinuturo ni Milo.
E, bakit nga ba PO3 Tolentino?
***
SI PO3 Tolentino ay isang alagad ng batas, walang loko-lokong sibilyan na basta na lamang aakusahan ang isang pulis ng walang basehan
Para kasing pinapalabas ni PO3 Tolentino na gawa-gawa lamang ng biktimang si Milo ang mga bintang laban sa kanya.
Susme, anong mapapala ng isang sibil-yan sa isang pulis na katulad mo ha?!
***
TEKA napansin ko lang bakit sinalo lahat ni tanod leader Loleng ang kabuuang halaga ng nawala sa kanya samantalang P950.00 lamang ang nakuha ng tanod leader?
Ibig bang sabihin inaako na rin ni tanod Loleng ang “pagkakasala” ni PO3 Tolentino upang hindi lumabas na kahiya-hiya ang rookie cop?
Ano sa tingin mo Dist. Supervisor Ric Segovia?
***
PARA kay Hermosa PCP Commander P/Insp. Idelfonso B. Quilang, huwag ka nang magpatumpik-tumpik pa na tanggalin sa area of responsibility mo ‘yan si PO3 Tolentino, mala-king batik ito sa AOR mo.
Ikaw ang tatamaan ng kawalanghiyaan ng pulis na ‘yan, maliban na lamang kung nakikinabang ka rin sa kanyang ilegal na gawain.
Sa palagay mo Tinyente Quilang?!
BARANGAY SA MALATE
NINAKAWAN
NG RPT SHARES
HINDI lang pala ang Barangay ni Chairman Sigfried Hernane ng Brgy 128 Zone 10 District 1 ang kinuku-westyon ngayon dahil sa solong pagkukubra sa Real Property Tax (RPT) shares na dapat sana ay naipamahagi rin sa iba pang barangay para sa kani-kanilang proyekto.
Kaparehong reklamo rin ang ipinaparating ni Malate Barangay Chairman Jaime Adriano ng Brgy 719 Zone 78 na nawalan ng RPT shares na umaabot sa milyong piso dahil sa kagagawan ng Manila City Council.
***
PAANO ba naman, muling ipinagkaloob ng City Council sa iisang barangay ang RPT shares na dapat sana ay paghahatian ng tatlong barangay sa Malate District.
Sa inaprubahan resolusyon ng Konseho, ibinibigay nila sa Barangay 720, Zone 78 ang buong bahagi ng RPT shares, imbes na ipamahagi sa barangay 719 ni Chairman Adriano at Brgy 721 ni Brgy Chairman Edgar Zabarte.
Diyusko naman, bakit si Chairwoman Enriqueta “Ericka” Platon lang ba ang anak ng diyos?!
DILG-NCR, DAPAT MAKIALAM
HUMINGI na ng saklolo si Chairman Adriano kay Atty. Cherry Melodias ng DILG-NCR upang kuwestyonin ang ginawa ng konseho nang wala man lang ginawang konsultasyon sa kanilang barangay.
Hindi makatarungan na basta mo na lamang sasakupin ang teritoryo ng iba nang walang pansintabi man lamang.
Bastusan na lang ba mga kagulang-gulang na konsehal?
***
ABA, kung ganyan din lang ba ang gusto ng Konseho, bakit hindi n’yo na lamang i-merge ang mga barangay d’yan sa Malate area?
Gaya ng ginawa ninyong pagtatangka na i-abolis ang aking barangay (Brgy 659-A Zone 71, District V) at pagsamahin sa kabilang barangay.
Tutal ninanakaw n’yo rin lang ang aking badyet!
CITY COUNCIL ANG MAGNANAKAW?
KUNG tutuusin, isang uri ng pagnanakaw ang ginawang ito ng Konseho sa mga barangay. Sakop ng Barangay 719 ni Chairman Adriano ang mga establisyemento gaya ng Harbour Square, samantala ang Manila Zoo naman ang kay Chairman Zabarte, kapwa malaking RPT shares ang nakukuha nila noon dito.
Pero dahil sa ginawa ng Konseho, solo nilang ipinagkaloob ito kay Chairwoman Platon na hindi pa ba nasisiyahan sa malaking RPT shares na nakukuha sa Harrison Plaza?
Susme, imposibleng walang parte ang Konseho dito, di ba Chairwoman Platon?!
***
MGA kabarangay kayo ang buhay na saksi hindi ito nangyari sa nakaraang administrasyon lalo na sa panahon ni Mayor Alfredo Lim.
Hindi nakikialam si Mayor Lim sa pera ng barangay. May sariling tayong “kaharian” na hindi dapat panghimasukan ninuman. Katwiran nga ni Mayor Lim, ibigay kay Pedro ang kay Pedro at ibigay ang kay Juan ang dapat para kay Juan!
Sa nangyayari ngayon, kinakamkam nila pati pera ni Juan! Pweee!
Para sa anumang komento, mag-email sa [email protected] o mag-text sa # 0932-321-4355. Ang Joy to the World ay lumalabas tuwing Lunes, Martes at Huwebes
Chairwoman Ligaya V. Santos