IPINABUBUWAG ng ilang mambabatas sa Kamara ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa sinasabing kahinaan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga miyembro.
Kasunod ito ng reklamo ng Private Hospitals Association of the Philippines na hindi naire-reimburse ng Philhealth ang gastos sa ospital ng mga miyembro ng ahensiya.
Sinabi ni Gabriela party-list Rep. Emmi de Jesus, noon pa nila ipinanawagan ang paglusaw sa PhilHealth dahil ang problema nito sa pagbabayad ng serbisyong medikal ng mga miyembro ay mistulang isang trahedya na nakaambang sumabog at mangyari.
Suhestiyon ng ibang kongresista, ibigay na lang nang direkta sa mga ospital ang suporta para makapagdagdag ng suplay ng gamot, pasilidad at sweldo ng health workers at iba pa para sa mas malawak na serbisyo sa mahihirap.
Nakikita na aniya ng publiko na walang silbi ang PhilHealth at nagiging pasanin pa ito ng taxpayers, pati na ang malalaking bonus ng mga opisyal nito.
Banta ng private hospitals
MILYONG MIYEMBRO PAGBABAYARIN NA
NANINDIGAN ang pamunuan ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAPI) na maaaring pagbabayarin na ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) sa oras na magpa-ospital hangga’t hindi nababayaran ng ahensya ang kanilang mga utang sa mga pribadong ospital.
Sinabi ni PHAPI President Rustico Jimenez, hihintayin nila hanggang sa katapusan ng buwan kasalukuyan ang magiging aksyon ng Philhealth sa kanilang mga obligasyon dahil kung hindi ay maaaring ituloy nila ang naturang banta.
“Kaya nga po ang sabi namin hanggang end of the month (May) kung wala pang aksyon ang Philhealth, hindi sila nagbayad e matutuloy po ‘yun. Kasi po saan namin kukunin ang pambayad namin sa sweldo, pambili ng gamot, saan namin kukunin ang iaabono namin kung hindi kami babayaran,” ani Jimenez.
Sa pagtaya ni Jimenez, hindi bababa sa P600 million ang utang ng Philhealth sa mga miyembro ng kanilang asosasyon.
“One million each hospital sa aming nasa 600 miyembro, pinakamababa na ‘yon at least P600 million,” ani Jimenez.
Hindi aniya kampante ang PHAPI sa pangako ng Philhealth na aayusin nila ang mga bayarin sa buwan ng Hunyo nitong taon.
HOSPITALS ‘DI SUSUBAIN — PALASYO
TINIYAK ng Palasyo na hindi susubain ng PhilHealth ang mga pribadong ospital at inaayos na ang sistema nang pagbabayad sa kanila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nag-a-adjust pa lang ang PhilHealth sa bagong sistema nang pagbabayad sa mga pribadong ospital at ang pagkaantala ay hindi dulot ng mismanagement sa ahensiya.
“There is no commitment from government not to pay. Naantala lang. But the commitment of government is to expedite the payment system and may commitment naman talaga ang gobyerno to pay what is due to the hospitals,” aniya.
Iginiit ni Lacierda, kaakibat sa negosyong pagamutan ay serbisyo publiko habang ang commitment ng gobyerno ay bayaran ang obligasyon sa mga ospital.
Inabisohan na rin ni Lacierda si Private Hospitals Association of the Philippines Inc. president Rustico Jimenez na nangako ang Regional PhilHealth offices na magbayad nang mas maaga kaysa kalakaran na 60-araw.
(ROSE NOVENARIO)