Saturday , November 23 2024

Mag-ingat sa ‘reckless imputation’ vs journalists sa Napoles list -ALAM

HINDI dapat agad paniwalaan at dapat ay maging mapanuri ang mga kasamahan sa industriya ng pamamahayag sa mga pangalan ng mga mamamahayag na isinasangkot sa Napoles list. Ito ang paalala ni Alab ng Mamamahayag (ALAM) national chairman Jerry Yap kaugnay ng pagsasangkot sa ilang mga mamamahayag sa Napoles list na lumabas sa isang pahayagan.

Gayonman naniniwala si Yap, hindi pwedeng gawing basehan ng litigasyon ang report ng Philippine Daily Inquirer (PDI) na nakatanggap umano ng malaking halaga ang ilang journalists mula sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

Mariin nang itinanggi ng tatlong broadcast journalists na sina Luchi Cruz-Valdes, Mike Enriquez at Korina Sanchez – mula sa tatlong pinakamalalaking TV network sa bansa.

Inireport ng PDI na ilang journalists ang umano’y nakatanggap ng halagang mula P10,000 hanggang P2 milyon.

Galing umano ang impormasyon sa hard drive ni Benhur Luy, pangunahing whistleblower sa nasabing pork barrel scam.

Ibinigay umano ito sa kanila ng mga magulang ni Luy noon pang April 2013 kasama ang mismong hard drive.

Ayon sa abogado ni Luy na si Raji Mendoza, hindi nila alam ang aksyon ng mga magulang ni Benhur ngunit sinamahan ito ng dating abogado nilang si Levito Baligod.

Tinukoy umano sa listahan ni Luy na bahagi ng pagwawaldas sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ang ‘payout’ mula 2004 hanggang 2008 sina Korina Sanchez ng ABS-CBN, P50,000; Mike Enriquez ng GMA, P50,000; Deo Macalma ng DZRH, P715,000; Ray Pacheco, P715,000; Luchi Cruz-Valdes ng TV5, dating chief ng Probe Team ng ABS-CBN; isang hindi pinangalanang TV and radio personality, P2 milyon; Erwin Tulfo ng TV5, P245,535; Carmelo del Prado Magdurulang, P245,535; at Bon Vivar, P10,000.

“Tama lamang na imbestigahan muna kung may katotohanan ang akusasyon ng PDI laban sa nasabing mga journalist,” ani Yap.

“Ang tanong: ipagpapalit ba nina Sanchez, Enriquez at Valdez ang posisyon at pangalan nila sa halagang P50,000?

Kung totoong may isang Mon Arroyo na siyang tulay o operator sa nasabing mga journalists, i-subpoena at imbestigahan siya at patunayan niyang totoo ang nasabing listahan.”

Batay sa report ng PDI, umabot sa halos P500 milyon ang natanggap ni Arroyo mula kay Napoles.

Damay din sa bintang ang media consultant ni senator Vicente Sotto III na si Jen Corpuz, na nakatanggap umano ng P1,180,000.

“Mismong si Luy ang nagsabing wala siyang listahan ng mga official at iba pang personalidad na nakinabang sa nasabing scam,” dagdag ng dating pangulo ng National Press Club (NPC).

“Sa mga unang testimonya niya, sinabi niyang ang nakalista sa kanyang database ay financial transaction records na aabot sa 2,700 pahina mula 2004 hanggang 2010. Kaya kung anomang meron ang PDI, hindi ito awtorisado at siguradong hindi nanggaling kay Luy.”

“Nalalabuan na rin kami sa kasong ito dahil iba-iba ang laman ng mga listahan,” ani Yap.

“Tatlo ang magkakaibang listahang hawak nina Rehabilitation czar Panfilo Lacson, Justice Secretary Leila de Lima, at jueteng whistleblower Sandra Cam. Tapos, meron din ang Inquirer na iba pa rin sa listahan ni Luy. Alin ba talaga ang totoo?”

KAMPO NI NAPOLES DUMISTANSYA SA ‘MEDIA LIST’

DUMISTANSYA ang tinaguriang utak sa pork barrel scam na sa Janet Lim-Napoles, sa lumabas na listahan ng mga miyembro ng media na sinasabing nakatanggap din ng kickback.

Sinabi ng abogado ni Napoles na si Atty. Bruce Rivera, walang pangalan ng media na nakalagay sa kanilang listahan.

Paglilinaw pa ni Rivera, walang ideya si Napoles sa mga sinasabing payoff para sa mediamen.

Ang pangalan ng mga taga-media ay sinasabing galing sa listahan ni Benhur Luy.

Kabilang sa mga nabanggit sina Mike Enriquez, Korina Sanchez, Luchi Cruz Valdes at marami pang iba.

Una nang itinanggi ng naturang mga mamamahayag ang akusasyon. (HNT)

About hataw tabloid

Check Also

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

Technology and Resilience Take Center Stage in DOST 9 RSTW

The Department of Science and Technology (DOST), in collaboration with Western Mindanao State University (WMSU), …

MOHS Remed Pharmaceuticals

MOHS acquires major pharma company

In pursuit of its strategy of vertical integration of its flagship healthcare and wellness business, …

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

First Lady Liza Marcos nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng bagyo

PINANGUNAHAN ni First Lady Marie Louise “Liza” Araneta Marcos ang distribution ng ayuda sa daan-daang …

Benhur Abalos Jr Senate

Benhur Abalos, top 9 ng Tangere Survey para  sa 2025 senatorial race

KUNG gagawin ngayonang eleksiyon, pasok sa ika-9 na puwesto si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr., …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *