ILLEGAL ang mandatory HIV testing na isinusulong ng Department of Health (DoH), ayon sa Malacañang.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., hindi pinahihintulutan ng Republic Act 8504 o Philippine AIDS Prevention and Control Act ang compulsory HIV testing.
Kaya ang payo ni Coloma sa publiko, maging mahinahon sa isyung ito dahil hindi ipatutupad ang mandatory HIV testing dahil ipinagbabawal ito sa batas.
“Makatitiyak ang ating mga kababayan na sa lahat ng pagkakataon ang pamahalaan ay magpapatupad lamang ng mga legal na kautusan o patakaran dahil bilang mga lingkod-bayan, lahat ng aming pagkilos ay dapat na naaayon sa batas,” ani Coloma.
Gayonman, idinepensa ni Coloma si Health Secretary Enrique Ona laban sa mga kritisismo sa pagpapanukala ng mandatory HIV testing dahil nasa proseso pa lang aniya ang pagtalakay sa iba’t ibang opsyon at wala pang binabanggit na ipatutupad ito.
Kamakalawa, kinuwestiyon ng grupong Action for Health Initiatives, Network to Stop AIDS Philippines, Filipinos Living with HIV, at Library Foundation Share Collective, ang legal na basehan sa panukala ni Ona. (ROSE NOVENARIO)