KUNG ngayon gagawin ang eleksyon at paniniwalaan ang Pulse Asia survey, si Jojo Binay na ang bagong pre-sidente ng Pilipinas.
Ayon sa naturang latest survey, si Vice Pres. Binay ay nakakuha ng 40 percent, habang pumangalawa si Senadora Grace Poe na may 15% at pangatlo si Senadora Miriam Defensor Santiago na may 10%, sumunod si Sen. Francis “Heart” Escudero (9%) at panglima lang ang sinasabing minamanok ni P-Noy na si DILG Sec. Mar Roxas (6%).
Pero huwag munang magsaya si Binay. Dahil Mayo 2014 palang ngayon at sa Mayo 2016 pa ang eleksyon.
Remember late Sen. Raul Roco noong 1998 o 2004? Higit dalawang taon pa bago ang halalan ay consistent siyang No. 1 sa survey. Pero sa homestretch ay nalaglag ang mama na naging daan pa ng maaga niyang pagpanaw.
Nangyari rin ito kay ex-Sen. Manny Villar noong 2010. Halos tatlong taon naghanda ang bilyonaryong senador. Consistent no. 1 siya sa survey nang yumao naman si ex-Pres. Cory Aquino ilang buwan bago ang halalan, kungsaan biglang nagbago ang ihip ng hangin at ang walang kabalak-balak kumandidatong pangulo na si Noynoy ang naging instant standard bearer ng Liberal Party at nanalo ng landslide sa eleksyon.
Isipin natin na si Binay ay may kinakaharap na kasong graft sa Sandiganbayan. Siguradong mabubuhay ito pag nagsimula na ang bakbakan para sa 2016 presidential race.
Si Grace Poe, na sorpresang nanguna sa senatorial ay malaking threat kay Binay. Ang kanyang 15 percent ngayon sa survey ay maari pang lumaki nang lumaki yan dahil maganda ang kanyang performance sa senado at walang isyu ng katiwalian laluna sa pork barrel scam.
Take note: Si Grace Poe ay si “Fernando Poe” na milya sana ang panalo kay Gloria Macapagal Arroyo noong 2004 kung hindi ito na-”Hello Garci”. Namatay si FPJ sa sama ng loob.
Mas matindi si Miriam. Oo, malakas ang hatak ng fighting senador na ito sa kababaihan, college students at masa. Kaya lang malabo na siyang tumakbo sa 2016 dahil sa kanyang karamdaman.
Huwag din balewalain ni Binay si Escudero. Malakas ang hatak ng dyowang ito ni Heart Evengelista. Pasok siya sa top 5 senators sa nakaraang eleksyon kahit di siya dinala ng solid INC.
At si Rojas, sinasabing walang kadating-dating… but who knows baka magmilagro ang mister na ito ni Korina Sanchez.
Marami pa ang mangyayari. 2014 palang ngayon. 2016 pa ang halalan.
Ito pa pala… si Erap! Kahit napatalsik at nakulong na ito sa pandarambong ay nakabalik parin sa politika. Mayor siya ngayon ng Maynila. At pag nasulsulan uli ito sa 2016, malaking banta siya sa sinumang presidentiables.
Oo, ngayong nasa panganib ang kanyang anak na si Senador. Jinggoy na makulong sa kinakaharap na plunder case sa isyu ng P10-B pork scam, ang makapagliligtas lamang sa huli ay kapag naging presidente uli si Erap.
Ang problema lang ngayon ni Erap ay ang nakasampang disqualification case laban sa kanya sa Korte Suprema. Nakabitin siya sa kasong ito!
Kaya dapat ay ilabas na ng Korte Suprema anuman ang kanilang desisyon sa kasong ito ni Erap upang sa ganun ay makapaghanda at makapagtrabaho na ng kampante ang 77-anyos nang trapo (traditional politician).
Masid masid muna nalang tayo pag may time, hehehe…
Hiling ng senior citizen
kay Mayor Erap
– Meron lang sana akong hiling sa pamahalaan ng Maynila o sa alkalde ngayon (si Erap). Sana kaming mga senior citizen e di na kailangan pa ang “orange card” para magamot at mabigyan ng gamot na libre sa mga public hospital. Noon nga lahat e libre kay Mayor Lim. Mula sa pagsilang ng tao hanggang sa kamatayan libre. Siguro naman di naman mahirap o imposible ang kahilingan ko. Para naman humaba pa ang buhay namin at puwede pa maghanapbuhay para sa pamilya namin. – Juan ng Tondo (09094818459)
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio