DINAIG pa ni Mommy D. (Dionesia Pacquiao) ang mga kilalang Sorcerer sa fairytales nang dasalan niya kamakalawa ang rematch nina Manny Pacquaio at Tim Bradley, Jr., sa MGM, Las Vegas, US of A.
Talaga namang camera catcher ang mga tirada ni PACMOM …trending worldwide at baka maging viral pa ang ‘DIRTY FINGER’ video.
Mukhang ‘yang ‘DIRTY FINGER’ na ‘yan ang tumapos sa ‘karera’ ni Bradley … hehehe …
Ang nasasagwaan lang tayo rito ‘e bakit naman sabay pang iniangat ni PacMom ‘yung ‘dirty finger’ at ‘Rosaryo’ niya?
Sinadya kaya niya o hindi niya ito namalayan sa sobrang excitement?!
‘Classic’ ka talaga Mommy ‘PACMOM.’
Anyway, congratulations MANNY PACQUIAO!
Nabawi mo ang ‘KORONANG’ para sa iyo talaga.
Paghandaan mo na lang si BIR Commissioner Madam Kim Henares.
O kaya isumbong mo rin sa NANAY mo!?
Aabangan na lang natin ang paghaharap ni PacMom at Commissioner KIM.
BENTAHAN NG ‘KARNE’ SA PLAZA NG NOVALICHES PROPER, KYUSI
ILANG hakbang lang ang layo ng police station at barangay hall sa Plaza ng Novaliches Proper.
Pero sa sumbong na nakarating sa atin ay mukhang patay-malisya ang mga pulis at bulag ang mga opisyal ng barangay sa patuloy na pamumutiktik ng mga babaeng nagbebenta ng panandaliang aliw sa nasabing lugar.
Ibang klase ang style ng mga bebot sa Plaza ng Novaliches.
Nakahalubilo sa mga tambay sa nasabing plaza. Kunwari ay may hinihintay o nagpapahinga sa mga upuan.
Pero ‘nangangahoy’ na pala. Aalukin ang mga target nila na … “Gimik ba boss?”
Pero sa totoo lang, ang higit na nakikinabang sa ‘flesh trade’ na ‘yan sa Novaliches ‘e ‘yung mga ‘fly by night’ na motel sa Nova Proper.
Kapag nagkasundo na, deretso na sa mga motel. Mukhang ‘ignorante’ raw sa ‘kalakalan ng laman’ si Brgy. Kapitana Cion.
Pero may ilang ‘kagawad’ niya ang nakaaalam na may ‘kalakalan ng laman’ sa kanilang lugar.
‘E how about si CHIEF?
Wala ba talaga siyang ALAM ‘e halos dalawampung (20) hakbang lang mula sa Plaza ay pintuan na ng police station.
Brgy. Kapitana Cion, galaw-galaw naman nang hindi ma-stroke.
Quezon City Police Distgrict (QCPD) Station 4, chief of police, Supt. Norberto Babagay, masyado bang malayo ang iyong tanaw at hindi mo nakikita ang mga naglipanang batang pokpok d’yan?!
Ay sus naman!!!
MTPB CHIEF CARTER LOGICA SINUSUWAG SI YORME ERAP?
KAMAKAILAN nagpalabas ng direktiba si ousted president Yorme Erap para sa Manila Police District (MPD) na isaayos ang peace and order sa Maynila.
Direkta ang utos ni Yorme kay MPD District Director C/Supt Rolando Asuncion.
Kaya naman pinaigting ng MPD, katuwang ang barangay, ang pagpapatupad ng mga city ordinance para sa epektibong peace and order program sa lungsod bilang suporta ng pulisya kay Erap.
Kasunod nito, inatasan ni Gen. Asuncion ang labing-isang (11) station commanders at mga police community precincts (PCP) na makipag-ugnayan sa bawat barangay na nasasakupan upang mahigpit na ipatupad ang batas at city ordinances gaya ng curfew para sa mga menor de edad, drinking session sa kalsada at paglalakad nang walang pang-itaas na damit.
Sa kabila ng kampanyang ito ni Yorme Erap, hindi maiiwasan na may mga pasaway pa rin at higit na nakadedesmaya ay mismong tauhan/opisyal pa ng city hall ang sumusuwag ‘este’ sumusuway sa kautusan n’ya.
Gaya ng isang insidente sa Balut na isinumbong sa atin kamakailan. Matapos masita ng Barangay Ex-O at tanod ang isang 9-anyos na bata na anak umano ng isang opisyal ng Manila Traffic & Parking Bureau (MTPB) na si CARTER LOGICA.
Maayos naman daw na pinagsabihan ng barangay official ang batang si alyas Boy helicopter para pauwiin na at inimpormahan na bawal ang mga menor de edad sa lansangan bunsod ng ipinatutupad na curfew alinsunod sa Manila City Ordinance na ipinatutupad ng Maynila.
Pero mukhang likas na pasaway daw ‘yung bata, Biglang nagtatakbo kaya napilitan silang dalhin sa Barangay hall.
Sabi nga ng isang barangay tanod, talaga raw pasaway ang anak ni Carter na madalas nilang makitang lumalabas kahit curfew hour na para maglaro ng kanyang Giant Helicopter with remote CompTroller.
Eto na, pasado alas-12 noong Abril 5 ipinatawag daw ni MTPB chief Carter Logica sa isang barangay tanod ang barangay Ex-O na bumagansya sa kanyang anak.
Kasama ni Carter ang kanyang mga tauhan na naka-uniporme pa ng MTPB at dalawa niyang aso ‘este’ bodyguards sa harap ng kanyang bahay sa Rodriguez St., Balut, Tondo.
Maangas na tinanong umano ni Carter Logica ang barangay Ex-O kung alam ba niya ang kanyang ginawa at kung kilala ba niya ang kanyang binabangga?!
Siyempre nagulat at kinabahan ‘yung barangay Ex-O dahil napapaligiran siya ng mga aso ‘este’ tauhan ni Carter. Sinigaw-sigawan pa umano ni Carter Logica ang barangay Ex-O sa harap ng maraming kapitbahay at saka pinagmumura na: “Alam mo ba kung sino ako at baka gusto mong malaman ni Vice ang ginawa mo?!”
Mahinahon pa rin na nangatwiran si barangay Ex-O na ipinatutupad lamang niya ang batas alinsunod sa city ordinance na direktiba ni Mayor Erap.
Mabuti na lang at inawat ng ilang mga kapitbahay ang tila lasing na si Carter Logica para maiiwas sa kapahamakan si Ex-O dahil nakikita nilang umuunday ng suntok o sampal at tila kukuyugin ng grupo ni Logica.
Sonabagan!!!
Yorme Erap, ganyan ba ang klase ng mga taong ini-appoint mo sa mga sensitibong pwesto sa City Hall?
Aba’y, walang nangyaring ganyan pang-aabuso noong panahon ni Mayor Lim.
Yorme Erap, oras na para putulan mo ng sungay ang mga pasaway diyan sa City Hall!
Magaling po sila …magaling humanap ng mga taong magagalit sa inyo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com