KARANIWAN nang ang comic relief ay nangangahulugan ng pagbabawas ng tensiyon dahil sa isang nakatatawang pangyayari, gaya ng isang naka-aaliw na pagkakamali.
Sa issue na ito, babaguhin ko ang kahulugan ng termino bilang isang nakatatawa o kakatwang paraan ng pagkakatanggal sa puwesto ng isang kawani o opisyal ng gobyerno.
Gaya ng pagkaka-relieve kay Senior Superintendent Conrad Capa bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) Task Force Tugis, na binuo para tugisin ang “most wanted” na personalidad.
Ilang araw matapos maaresto ng kanyang grupo si Globe Asiatique founder Delfin Lee, “na-promote” ni Director-General Alan Purisima, PNP Chief, si Capa nang ilipat siya sa Police Regional Office (PRO) sa Cebu bilang Deputy Regional Director for Operations. Ang “reward” ng PNP boss kay Capa ay talaga namang kakatwa at nakatatawa.
Ang pagkakadakip marahil kay Lee ang crowning glory ni Capa. Ang biglaan niyang pagkakalipat marahil ang clowning glory ng PNP at ng mga galit na galit at kandabubundat sa pera ng politiko na nagkakanlong kay Lee.
‘Eto marahil ang mas tamang termino, “sinipa siya paakyat,” mula sa pagiging task force commander ng may 100 imbestigador at field operatives ay naging Number 3 Man ng PRO 7 na may kakaunting tauhang sibilyan at pulis.
Bagamat maiintindihang ang posisyon sa task force ay hindi bahagi ng “table of organization” o “T.O.” ng PNP, dapat bigyan ng pabuya si Capa (kung ang intensiyon talaga ay parangalan siya) sa pagtatalaga sa kanya sa mas magandang posisyon para mas maging epektibo siya sa pagsugpo sa krimen. Sa totoo lang, dapat niyang singilin ang PNP ng commendation medal. Ang “T.O.” position na naghihintay sa kanya sa Cebu ay para sa may ranggong senior superintendent na taglay niya, at hindi isang star rank. Nakalulungkot ang birong ito ng PNP.
***
Sinabi ni Vice President Jejomar Binay na may mga “influential people” na nagtangkang pigilan ang pag-aresto kay Lee, na akusado sa paggamit ng ghost borrowers para makakuha ng P6.6 b billion loan mula sa Pag-IBIG Fund para sa housing project ng Globe Asiatique sa Pampanga noong 2009.
Kalaunan, inamin ni Oriental Mindoro Governor Alfonso Umali na tinawagan niya si Purisima tungkol dito. May usap-usapan din na si Capa ang nag-leak tungkol sa pagtawag sa telepono ng treasurer ng Liberal Party kay PNP chief ngunit itinanggi ito ng police colonel.
Ito siguro ang dahilan ng pagkakasibak kay Capa.
***
Isa rin kakatwa ang pagkakasibak sa puwesto nina National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Directors Reynaldo Esmeralda at Ruel Lasala.
Sina Esmeralda, hepe ng Intelligence Service ng NBI, at Lasala, pinuno ng Special Investigation Service, ay parehong sangkot sa pagtugis kay Lee. Nagsampa ng kaso ang anti-graft division ng bureau, na nasa ilalim ng tanggapan ni Lasala, laban sa property developer.
Mainit ang bulung-bulungan na ang dalawang bureau official ay may kaugnayan kay VP Binay. Kaduda-duda naman ang pagkakataon na nasibak ang dalawa ilang araw matapos ang Capa incident.
Magkaugnay kaya ang sibakang ito?
***
At may isyu rin sa pagkakatanggal ng pangalan ni Lee sa List of Most Wanted Persons na ginagamit ng mga abogado ng property developer para kuwestiyonin ang legalidad ng pag-aresto sa kanilang kliyente.
Ang alam ko, tanging ang Secretary ng Department of Interior and Local Government (DILG) at ang Board ang maaaring mag-apruba sa pagkakasama ng isang personalidad sa naturang listahan, at siyempre pa, sila lang din ang mga may karapatang magtanggal sa listahan.
Paanong nakapag-isyu ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng certification na nagsasabing inalis na noong nakaraang taon ang arrest warrant ni Lee sa warrant of arrest database?
Paanong may sulat mula kay Purisima na nagsasabing aalisin si Lee sa wanted list?
Nang sabihin ni DILG Secretary Mar Roxas na valid ang arrest warrant, ano ngayon ang ibig sabihin ng liham ni Purisima at ng certification ng CIDG? Nakalilito naman ang nangyari na pinagmukhang katawa-tawa ang proseso ng gobyerno.
Ito ang dahilan kung bakit nais ng isa pang Binay—si Senator Nancy—na imbestigahan ng Senado ang mga umiiral na polisiya at batas kaugnay ng pagkakabilang at pagkakatanggal ng pangalan ng isang pinaghahanap ng batas mula sa database.
Kung matutuloy ang pagdinig ng Senado sa usaping ito, asahan na ng publiko ang ‘sangkaterbang katatawanan na siguradong nakaaaliw. Magiging isang circus ito at siguradong bidang-bida ang mga komikero at clown. Kapag nalantad na ang kapalpakan ng pulisya sa hearing, posibleng maging isang malaking laughing stock ng publiko ang PNP.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.