Dumulog na sa Korte Suprema si First Class Cadet Aldrin Jeff Cudia para hilinging maisama siya sa mga magtatapos na kadete sa Philippine Military Academy (PMA).
Sa petition for certiorari, prohibition and mandamus, na inihain ni Cudia, kanyang hiniling na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order o status quo ante order laban sa ipinataw na dismissal sa kanya ng PMA honors committee dahil sa paglabag sa honor code.
Hiniling din ni Cudia na iutos ng Korte Suprema na igawad sa kanya ang kaukulang pagkilala na nararapat para sa kanya at maisama siya sa listahan ng graduating class ng Siklab Diwa PMA Class of 2014 kung ang lahat ng mga material requirement para sa kanyang pagtatapos ay nakompleto na.
Nais din niyang iutos ng Korte Suprema na siya ay mai-commission bilang bagong ensign ng Philippine Navy gayundin ang pagpapatigil sa pag-ostracize sa kanya ng mga kadete ng PMA at ang pagsusumite sa PMA Cadet’s Review and Appeals Board ng lahat ng mga rekord ng ginawang proceedings sa kanyang kaso.
(leonard basilio)