Pumayag na ang pamahalaang Filipinas na ipagamit sa United States (US) ang mga base-militar sa bansa sa ilalim ng bagong “security deal.”
Nabatid na inilatag ang “security deal” sa anim na beses na dayalogo ng dalawang bansa sa Washington noong nakaraang linggo.
Umaasa ang Amerika at Filipinas na maisasapinal ang mga terms ng “agreement on enhanced defense cooperation” bago ang pagbisita ni US President Barack Obama sa Asya kabilang na sa Filipinas sa susunod na buwan.
Ayon kay Defense Undersecretary Pio Lorenzo Batino, maituturing nang 80% tapos ang panibagong kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa: “Consensus was arrived at on many provisions of the draft agreement.”
Dagdag niya, pumayag ang Amerika na bigyan ng access ang mga sundalong Pinoy sa mga US facility sa mga base-militar upang ipakita na ito pa rin ang mayroong kontrol sa lugar.
Sa ngayon, limitado lang sa taunang joint exercises at port visits ang operasyon ng US military sa bansa pero sakaling maisapinal, magagawa ng US na magdagdag ng deployment ng tropang militar, mga barko, sasakyang panghimpapawid at humanitarian equipment sa Filipinas.
Target ng US na maibalanse ang pwersang militar nito sa Asia-Pacific region lalo’t may kapareho nang umiiral na agreement sa Singapore at Australia.
Layon din ng Filipinas na magkaroon ng mas malakas na defense cooperation sa Amerika habang lalong tumitindi ang tensyon sa pagitan ng China kaugnay ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.